MPD SIYA PO–Itinuro ng biktimang Chinese national ang kanyang kababayan na isa rin Chinese nang maaresto ng mga pulis habang nagbibigay pahayag si Manila Police District chief PBGen. Arnold Thomas Ibay sa mga mamamahayag. Kuha ni JonJon Reyes

MPD nasagip Tsino na dinukot dahil sa utang sa casino

Jon-jon Reyes Jul 6, 2024
103 Views

MPD1NASAGIP ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) kamakalawa ang isang Chinese national na dinukot at ikinulong ng kanyang kababayan dahil sa utang sa casino.

Nakilala ang biktima na si Luo Jing alyas Jun Cheng, 31, computer technician.

Nasagip si Cheng makaraang humingi ng saklolo sa pulisya ang mga kaibigan niya kaugnay sa pagdukot sa kanya ng naarestong suspek na si Song Peng Ren alyas Luo Jie, 35, isang translator/manager at casino financier.

Base sa imbestigasyon, sapilitang isinama ng grupo ng Chinese national si Cheng habang naglalaro ng casino games sa Xi Lai Deng Casino sa Adriatico Square sa Gen. Malvar St. sa panulukan ng Adriatico St., Ermita, Maynila.

Ayon sa mga kaibigang kapwa Tsino, pinautang umano ni Luo Jie si Cheng ng P200,000 pero aabot na sa P500,000 ang dapat ibayad kasama ang interest.

Gayunman, sinabi ni Cheng na kaya lamang niyang bayaran ang P200,000 kaya sinabihan siya ng suspek na magtrabaho na lamang sa kanya hanggang sa mabayaran ng buo ang kanyang pagkakautang.

Dito na nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa na nauwi sa komosyon hanggang sa pinalabas sila sa casino.

Matapos ang pangyayari ay nawalan na ng komunikasyon si Cheng at kanyang mga kaibigan kaya dumulog sila sa MPD-General Assignment Investigation Section upang magsagawa ng imbestigasyon na nagresulta sa pagkakahuli kay Luo Jie.

Sasampahan ng kasong serious illegal detention at kidnapping ang suspek, ayon sa mga pulis.