Martin Pinangunahan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, kasama sina Cagayan de Oro City 1st District Rep. Lordan Suan at 2nd District Rep. Rufus Rodriguez, ang paglulunsad ng Cash and Rice Distribution (CARD) program sa 3,000 beneficiaries Huwebes ng umaga sa West Central School sa Cagayan de Oro City. Kuha ni VER NOVENO

Mr. Rice namigay ng bigas, cash ayuda sa 3,000 benepisyaryo sa CDO

167 Views

UMAABOT sa 3,000 benepisyaryo ang nakatanggap ng tulong mula sa Cash and Rice Distribution (CARD) Program ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, na nakikilala na bilang “Mr. Rice”, sa Cagayan de Oro City noong Mayo 16.

“Isa po ito sa programa ng ating mahal na Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para labanan ang gutom at magbigay ng tulong sa pang-araw-araw na gastusin ng ating mga kababayan, lalo na yung bahagi ng ating mga vulnerable sectors,” ayon kay Romualdez, pinuno ng Kamara na mayroong mahigit 300 kinatwan.

“Isinasabay natin ito sa Serbisyo Fair para lahat ng malalaking siyudad tulad ng CDO at mga lalawigan ay kasama sa tulong pinansyal at rice aid. Nawa’y makatulong ito sa pagharap ng ating mamamayan sa hamon ng mataas na presyo ng bigas at pagkain,” ayon pa sa pinuno ng Kamara.

Ang CARD Program na inisyatiba ni Speaker Romualdez, na binuo bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas, ay layong bigyang suporta ang mga mahihirap na Filipino gayundin ang pamamahagi ng tulong pinansyal.

Ang programa ay hindi lamang naglalayong palakasin ang kakayahan ng pagbili ng publiko, kundi nilalayon din nitong maging hakbang laban sa hoarding at manipulasyon sa presyo ng bigas. Ang CARD Program ay nagpapakita ng kolektibong pagsisikap na tugunan ang mga hamon ng pagtaas ng presyo ng bigas at itaguyod ang economic stability para sa kapakinabangan ng mga Pilipino.

Umaabot sa kabuuang 3,000 benepisyaryo mula sa Cagayan de Oro City na binubuo ng mga mahihirap, senior citizens, PWDs, single parents at IPs ang nakatanggap ng tig-P2,000 mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ng DSWD.

Kabilang sa mga tinanggap ng mga benepisyaryo ang P1,000 halaga ng 25 kilo ng bigas; at P2,000 cash aid na ginanap sa West Central Elementary School Gym last May 16.

“Hindi po dito nagtatapos ang ating pagsisikap na tulungan ang ating mamamayan na ibaba ang presyo ng bigas sa buong bansa. Ina-amyendahan natin ang Rice Tariffication Law para ibalik ang murang bigas galing sa NFA,” ayon pa kay Romualdez.

“At may programa tayong bago kung saan magbebenta ang mga Kadiwa Stores ng bigas ng mas mababa sa P30 per kilo itong darating na Hulyo. Kaya tuloy-tuloy ang ating programa para sa ikabubuti ng kalagayan ng milyon-milyong pamilyang Pilipino,” dagdag pa ng mambabatas.