Taguig

Muling pagsuri ng DPWH sa Taguig projects kinuwestyon ni Cayetano

114 Views

KINUWESTYON ni Senador Alan Peter Cayetano kung bakit muling sinusuri ng Department of Public Works and Highways ang mga proyektong iniuugnay sa umano’y ghost projects sa Taguig City gayong nauna na umanong sinabi sa kaniya ng ahensiya na walang natukoy na ghost project sa lungsod.

Sa kaniyang Facebook livestream noong July 20, sinabi ni Cayetano na tatlong beses umanong tiniyak sa kaniya ni DPWH Secretary Vince Dizon na na-verify na ang mga proyekto sa Taguig.

“I hope hindi siya magpa-pressure and I hope he tells the truth because tatlong beses niya na sinabi sa akin na vinerify nila at walang ghost projects sa Taguig,” sinabi ni Cayetano.

Walang inilabas na dokumento si Cayetano na nagpapakita ng saklaw, petsa o resulta ng mga naunang pagsusuring kaniyang tinukoy.

Sinabi rin ng senador na hindi makatuwirang itulak niya ang pagpapatuloy ng Senate hearings sa umano’y flood control anomalies kung may problemang hindi naman niya hinaharap sa Taguig.

“It’s so illogical that I am fighting for the truth and for the Blue Ribbon hearing tapos meron pala kaming problema sa sarili naming bakuran,” sinabi niya.

Iginiit ni Cayetano na dapat pare-pareho ang pamantayan sa imbestigasyon at hindi lamang Taguig ang tutukan.

“Isabay-isabay na natin kung gusto but don’t single people out. From the start sinabi ko, imbestigahan ninyo lahat,” sinabi niya.

Binalikan din ng senador ang mungkahi niya noong deliberasyon sa budget ng DPWH na kunan ng litrato ang lahat ng government infrastructure projects mula sa pagsisimula hanggang sa matapos ang konstruksyon.

Ayon kay Cayetano, makatutulong ang photo documentation upang madaling makita kung may proyektong nabayaran ngunit hindi aktuwal na naitayo.

“When he was in the DPWH budget hearing dito, sinabi ko, ‘Sec. Vince, ba’t hindi mo pakuhanan sa cellphone ng picture lahat ng project. Simulan mo sa 2025, 2024, 2023, pabalik. Para kung sa cellphone palang bayad na pero walang project, ghost na iyon,’” sinabi niya.

Sinabi ni Cayetano na muli niyang iniharap ang mungkahi sa plenaryo ng Senado at ipinatutupad na rin umano ang ganitong sistema sa Taguig.

Nauna ang pahayag niya bago sinabi ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na nakapagdokumento na umano ang kaniyang grupo ng dalawang case studies tungkol sa pinaghihinalaang ghost infrastructure projects sa Taguig.

Hindi pa malinaw kung ang dalawang proyektong tinukoy ni Lacson ay kabilang sa mga naunang sinuri ng DPWH na binanggit ni Cayetano.

Wala pang inilalabas na opisyal na paliwanag mula kay Dizon tungkol sa sinasabing tatlong assurance kay Cayetano o sa saklaw ng bagong pagsusuri sa mga proyekto sa Taguig.