Madrona Nabatid kay Romblon Lone Dist. Congressman Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona, Vice-Chairman ng Transportation Committee, na natuklasan ng Komite na may mga MC taxi riders ang nagmo-moonlighting sa ibang taxi motorcycle company subalit mahigpit na ipinagbabawal ng mga nasabing kompanya. Kuha ni MAR RODRIGUEZ

Multi-homing ng mga MC riders nalantad

Mar Rodriguez Aug 8, 2023
371 Views

NALANTAD sa isinagawang pagdinig at pilot study program ng House Committee on Transportation ang tinatawag na “multi-homing” o ang pagta-trabaho ng mga motorcycle taxi riders sa dalawa o tatlong motorcycle company na ipinapalagay ng mga kongresista na delikado para sa mga pasahero.

Nabatid kay Romblon Lone Dist. Congressman Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona, Vice-Chairman ng Transportation Committee, na natuklasan ng Komite na may mga MC taxi riders ang nagmo-moonlighting sa ibang taxi motorcycle company subalit mahigpit na ipinagbabawal ng mga nasabing kompanya.

Sinabi ni Madrona na hindi alam ng isang motorcycle taxi company na ang kanilang rider ay suma-sideline o nagmo-moonlighting sa mga ka-kompetensiya nilang kompanya. Bagama’t ito’y hindi nila pinahihintulutan subalit may mga riders parin umano ang nagpapatuloy sa ganitong gawain.

Dahil dito, nababahala si Congressman Madrona na kapag hindi natugunan o na-address ang ganitong umiiral na sistema ng mga motorcycle taxi riders ay maaaring ang mismong mga pasahero o mananakay nila ang madisgrasya. Kaya kailangan aniya na magkaroon ng accountability o responsibility patungkol dito.

Ipinahayag pa ni Madrona na kaya nakakalusot ang mga MC riders na mag-sideline sa ibang kompanya ay dahil hindi kayang bantayan ng mga motorcycle taxi companies ang kanilang mga riders.

Sinabi naman ng Chairman ng Committee on Transportation na si Antipolo 2nd Dist. Romero M. Acop na nagtataka siya kung bakit hindi alam o aware ang mga nasabing kompanya na ang kanilang mga riders ay suma-sideline sa ibang motorcycle taxis gayong silang mga kongresista ay nalalaman nila.

“What guarantee do you have that your riders do not also participate sa other groups? What guarantee do you have?” tanong ni Acop.

Subalit ang sagot naman ng mga motorcycle taxi companies na katulad ng Joyride at Angkas na: “We don’t have your honor”.