Calendar
Mungkahi ni Gatchalian: POGO wakasan na
“WAKASAN na ang POGO.”
Ito ang mariing mungkahi ni Senador Sherwin Gatchalian na nagsabing siya mismo ang magrerekomenda at maniniguro na dapat na ngang mag total ban na ang Pilipinas sa kontrobersyal na Phil Offshore Gaming Operations dito sa bansa.
Sa isang press conference, sinabi ni Gatchalian na ang industriya ng POGO ay walang benepisyo sa ekonomiya ng bansa bagkus ay nagdudulot pa ito ng napakaraming problema sa ating lipunan tulad ng kidnapping, human trafficking at prostitusyion na para sa kanya ay lubhang nakaaalarma.
“Filipino people stand to lose more for allowing POGO to operate here in the Philippines. We recommend permanent banning of offshore gaming operations in the Philippines.” ani Gatchalian sa Kapihan sa Senado.
Bukod pa sa naunang nabanggit, idinugtong din ni Gatchalian ang mga krimen tulad ng tax evasion, corruption, foregone direct investments (FDIs) na lubhang nakakaperwisyo sa bansa.
Ang reaksyon ni Gatchalian ay kaugnay na rin ng napabalitang raid na isinagawa sa Bamban, Tarlac kung saan ay napabalitang ilang Chinese at Taiwan nationals na diumanoy mga wanted sa kanilang bansa ang naririto ay nagtatrabaho sa POGO. Ang mga nasabing pugante ay may warrant of arrest sa kanilang bansa dahil sa mga kasong panloloko o fraud, pag ooperate ng mga illegal na gambling dens at ibat iba pang uri ng krimen.
Nakakaalarma ani Gatchalian ang ganitong rebelasyon lalot ginagawa na aniya tayong taguan ng mga puganteng dayuhan para dito naman gawin ang kanilang ibat ibang krimen.
“Nakaka alarma ang bagay na ito kasi yung POGO na ginagawang taguan ang Pilipinas ay hindi nakatutulong para sa ating imahe. And it is creating more problem. Kayat isa po yan sa ating bibigyan ng aksyon. Kailangan i ban totally ang operation ng POGO sa ating bansa.” ani Gatchalian.
Ibinulgar din ng senador na gamit ng mga ito ang Whats app at Tele kung saan ay napakahirap aniyang ma trace dahil propesyonal na mga scammer ang mga ito bukod pa sa internet based at encrypted ang istilo ginagawa.
“At iyan ang nakakatakot dahil ang target ay locals na. Maraming kumakagat na umutang sila.” paglalahad niya.
Dahil dito, haharangin aniya ni Gatchalian ang pagbibigay ng taxes sa operasyon nito na magbibigay lamang ng lehitimong pagkilala sa POGO.
“May batas ngayon na taxation of POGO at nakikita ko na dapat i repeal na ang batas na yan kasi yan ang nagbibigay ng legitimacy sa POGO. Para wala na talagang legitimacy.” giit ng senador.
Bukod sa mga Intsik ay napag alaman din ang pagdagsa ng mga African Pogos na diumanoy nagsisimula ng bumaha sa dami ngunit nakatago lamang.
Hinamon ni Gatchalian ang Bureau of Immigration upang gawin ang kanilang trabaho upang hindi naman aniya maging pugad ng mga kriminal at Pogo ang ating bansa.
“Wala na pong benepisyo ang POGO, perwisyo pa sa bansa” ani Gatchalian.