Bomb

Muntinlupa commercial building nakatanggap ng bomb threat

Edd Reyes Aug 11, 2026
16 Views

BINULABOG ng bomb threat ang malaking commercial establishment sa Muntinlupa City sa pamamagitan ng mensahe sa email na nagbabantang may nakatanim na pampasabog sa gusali Lunes ng hapon.

Kaagad namang nagresponde ang mga tauhan ni Muntinlupa police chief P/Col. Olivia Ancheta sa Park Trade Center sa Investment Drive, Brgy. Ayala Alabang nang matanggap ang tawag dakong alas-3:27 ng hapon.

Nagresponde rin ang mga operatiba ng Explosive Ordnance Division (EOD) at Canine Unit na nagsagawa muna ng mga panayam at pagsusuri ng panganib sa pagbabanta bago ang pag-iinpeksiyon gamit ang K-9.

Dakong alas-4:10 ng hapon nang ideklarang walang anumang uri ng pampasabog o materyales na maglalagay sa panganib sa mga umookupa sa establisiento.

Pinuri naman ni Southern Police District (SPD) P/BGen. Glen Oliver Cinco ang mabilis na kilos ng Muntinlupa police kasabay ng mahigpit na babala sa mga nagpapakalat ng pananakot na hindi titigil ang kapulisan sa pagtugis sa kanila.