Posas

Computer tech dinedo, mag-utol na suspek tiklo

23 Views

ARESTADO ang magkapatid matapos umanong pagtulungang bugbugin, saksakin at mapatay ang computer technician na sinasabing pumasok sa kanilang bahay noong Lunes sa Brgy. Sauyo, Quezon City.

Namatay sa Quezon City General Hospital ang biktima matapos magtamo ng saksak sa kanang dibdib at bugbog sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang dalawang suspek, edad 21 at 31.

Batay sa imbestigasyon, dakong ala-1:00 ng madaling-araw ng makarinig ng komosyon ang isang testigo habang nasa ikalawang palapag ng kanilang bahay.

Nang silipin niya ang pinagmulan ng ingay, nakita umano niya ang magkapatid na suspek na pinagtutulungan ang biktima.

Ayon sa testigo, hinampas ng nakatatandang suspek ng metal pipe sa ulo ang biktima dahilan upang bumagsak ito sa sahig.

Habang nakabulagta ang biktima, sinaksak naman ito ng nakababatang suspek bago muling bugbugin ng magkapatid.

Nakuha rin ng testigo na mairekord sa kanyang cellphone ang naganap na pananakit.

Tumakas umano ang magkapatid matapos ang insidente at iniwan ang biktima na walang malay at duguan.

Iginiit umano ng magkapatid na bago ang insidente ay pumasok ang biktima sa kanilang tahanan at pinagnakawan umano sila.

Iniimbestigahan ng pulisya ang alegasyon ng mga suspek, gayundin ang video na nakuhanan ng testigo.

Naaresto ng mga tauhan ng PS-3 ang magkapatid at narekober din ang ginamit na armas sa krimen.