MTPB Himas rehas ang suspek na nahuling nagpanggap na miyembro ng Manila Traffic Parking Bureau. Natimbog siya ng mga lehitimong opisyal ng MTPB. JONJON C. REYES

Pekeng traffic enforcer nabuking, tiklo sa Tondo

Jon-jon Reyes Aug 11, 2026
21 Views

ARESTADO ang lalaking nagpanggap na miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) sa Road 10 corner Jacinto northbound sa Brgy. 100, Tondo, Manila noong Lunes.

Ayon sa report kay Manila Police District chief PBGen. Arnold Santiago, bandang alas-6:20 ng gabi ng damputin ang suspek na si alyas Mac, 39.

Mga lehitimong enforcer na sina Kenneth Naval, Oscar de Leon, Marvin Manuel kasama sina PCpl. Glair Borleo, Pat Bryan Dacir at Pat Benedick Abricanan ang humuli sa suspek.

Gumaganap sa tungkulin bilang mga traffic enforcer sa Mel Lopez Blvd., Road 10 ng mapansin ang suspek na nakasuot ng uniporme ng MTPB.

Nakatayo ang suspek at pinapahinto ang mga motorsiklo at trak. Nilapitan ng mga opisyal ang suspek at nagpakilala bilang mga lihitimong MTPB traffic enforcer.

Hiningian ng pagkakakilanlan ang suspek pero walang maipakita kaya humantong sa pag-aresto at pagkumpiska ng unipormeng pang-itaas ng MTPB.

Dinala ng mga opisyal ang inarestong suspek sa Smokey Mountain PCP upang humingi ng tulong.

Inihahanda na ng mga pulis ang mga dokumento laban sa inarestong suspek upang isampa sa Manila Prosecutor’s Office.