Mollenido Screen grab mula sa exclusive video ni MELNIE RAGASA-JIMENA

MURDER, WALANG PIYANSA VS 3 SUSPEKSA MOLLENIDO CASE

81 Views

INIREKOMENDA ng Quezon City Prosecutors Office ang pagsasampa ng two counts of murder laban sa tatlong respondent kaugnay ng pagpaslang kay PSMS Diane Maria Mollenido at sa anak nitong si John Ysmael.

Sa resolusyong may petsang Pebrero 16, 2026, sinabi ng Office of the City Prosecutor of Quezon City na dapat sampahan ng kaso sina Pia Katrina Panganiban, Christian Panganiban, at Gil Dy Jr.

Inirekomenda rin ng mga piskal na walang piyansa para sa tatlo, na indikasyong malakas ang ebidensya ng pagkakasala laban sa kanila.

Ayon kay QCPD Director P/BGen Randy Glenn Silvio, bunga ito ng masusi at malalim na imbestigasyon ng pulisya.

Samantala, inalis na sa kaso si alyas “Maribel” at ituturing na lamang bilang saksi.

Ibinasura rin ng korte ang reklamo laban kay John Mollenido matapos pagbigyan ang mosyon na alisin ang kanyang pangalan sa listahan ng mga respondent.

Iginiit ni Silvio na determinado ang QCPD na makamit ang hustisya para kay PSMS Diane Marie Mollenido at sa anak nitong si John Ysmael.