MWSS

MWSS tiniyak Angat Dam ‘di magbabawas ng alokasyon ng tubig

138 Views

TINIYAK ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na hindi magbabawas na water allocation ang Angat Dam ngayong Mayo kahit patuloy ang tag-init at tagtuyot sa iba’t-ibang lugar sa bansa.

Sinabi ni MWSS department manager Patrik Dizon na hiniling nila sa National Water Resources Board (NWRB) na iwasan na muna ang pagpuputol ng alokasyon ng tubig kung kakayanin.

Paliwanag ni Dizon, mananatili ang 50-cubic meters na katumbas ng 4.3 bilyong litro ng tubig kada araw na isinu-supply sa mga lugar na nasasakupan ng MWSS

Nitong Huwebes, nasa 187.12 meters ang water level ng Angat dam, malayo sa critical level na 160 metro.

Sa ngayon, nagpapatupad ang MWSS ng pressure management strategies para makatipid ng tubig.

“Pero [ina-assure] naman namin sa ating mga kababayan na hindi naman po tayo mawawalan ng tubig sa mga oras na mag co-conduct kami ng mga pressure management strategies at hihina lamang po yung atin pong pressure ng ating tubig,” pahayag ng opisyal.

Nauna nang inihayag ng PAGASA na aabot sa 45 degrees Celsius at 54.8 degrees Celsius ang heat index sa iba’t-ibang panig ng bansa ngayong Mayo.