Calendar
Na-overhaul na bagon ng MRT-3 umakyat na sa 60
UMAKYAT na sa 60 ang bilang ng mga bagon ng Metro Rail Transit 3 (MRT-3) na natapos ng i-overhaul.
Ayon sa MRT-3, 12 na lamang sa 72 bagon ng MRT-3 ang sasailalim sa overhauling bilang bahagi ng maintenance program ng linya na pinangangasiwaan ng Sumitomo-MHI-TESP.
Ang mga kinukumpuning LRV ay ang mga orihinal na bagon ng MRT-3.
Nasa 18 hanggang 20 train set ang maaaring patakbuhin sa linya. Ang bawat train set ay mayroong tatlong bagon na kayang makapagsakay ng 1,182 pasahero o 394 kada bagon.
Nagpapatuloy naman ang pagpapatupad ng health protocols sa MRT-3 kabilang dito ang pagbabawal sa pagkain, pag-inom, pakikipag-usap, at pagsagot sa telepono habang nasa loob ng mga tren.
Istrikto ring ipinatutupad ang pagsusuot ng facemask sa lahat ng oras samantalang boluntaryo ang pagsusuot ng faceshield.