Nadia

Nadia inoperahan dahil sa Wolff-Parkinson-White (WPW) Syndrome

Eugene Asis Nov 26, 2024
10 Views

NAGPAPAGALING na ang aktres na si Nadia Montenegro matapos ang delikadong operasyon sa kanya na may kinalaman sa Wolff-Parkinson-White (WPW) Syndrome na ayon sa kanya ay na-diagnose noong siya’y 17 taong gulang pa lamang.

“May mga issue, may mga writeups na lumalabas. I just want everyone to know, I’m back home. Kailangan lang ng kaunting panahon para mag-heal,” ayon sa kanyang post sa Facebook.

Nangyari ang delikadong operasyon kung saan kailangan siyang lagyan ng catheter sa ugat mula sa kanyang groin para manumbalik ang tibok ng kanyang puso. Bumaba ang kanyang blood pressure at dinala niya ang sarili sa St. Luke’s Medical Center sa Bonifacio Global City sa Taguig.

“Ablation procedure po ang ginawa sa puso ko. At ngayon po, I’m healing medyo bruised up lang po,” aniya, sabay paglilinaw na: “Ang procedure po na ginawa ay hindi po stent, hindi rin po ako na angioplasty, hindi rin po ako na-open heart surgery dahil sobra po ang aking nerve. Kinailangan pong i-cut ‘yun.

“Ang nangyari lang po noong Friday ay tinakbo ko ang aking sarili… ang aking BP po ay bumaba na ng 60/49 kaya hindi po naging maganda. Ako po ay inilipat ng SL [St. Luke’s] QC muna and then nilipat sa SL (St. Luke’s) BGC.”

Pagkatapos ng operasyon, nakaranas si Nadia ng tinatawag na “near-death experience” na nasaksihan ng kanyang pamilya. “Ako po ay nasa kwarto na and may nangyari pong isang emergency na ang sabi po ay ako’y nawala nang apat na minuto, nangitim na po ako, nawala ang aking heartbeat.

“Hindi ko po alam kung ano ang nangyari, basta paggising ko ay andoon po ang aking nanay at ang aking mga anak at nakita po nila ‘yung nangyari,” patuloy niya. Nag-post sa Facebook ang kanyang anak na si Ynna Asistio, isa ring aktres, na nagpahayag ng takot sa posibilidad na mawala ang mahal na ina.

“Ako’y masaya na nalampasan ko ‘to dahil po sa inyong mga dasal at dahil sa napaka-faithful nating Diyos. And marami pa po akong gagawin sa buhay… I’ll be back soon. I’ll be working soon. Papalakas lang po. Maraming salamat po sa inyong lahat, God bless us all and ingatan ang health.”

Ayon kay Nadia, naka-recover na siya sa WPW Syndrome, pero kailangan niyang sumailalim sa “breathing exercises” upang maging normal na ang tibok ng kanyang puso.