Carnapping

Nag-nenok na ng motor, nangotong pa, 1 tiklo

Edd Reyes Apr 5, 2025
17 Views

CarnappingISA sa dalawang pinaghihinalaang nag-nenok ng motorsiklo ang nadakip ng mga pulis makaraang kikilan pa ang biktima kapalit ng pagtuturo sa kinaroroonan ng motorsiklong tatangayin sa Valenzuela City.

Tatangkain pa lang i-cash out ng suspek na si alyas Narvasa ang P10,000 na hiningi niya sa biktimang si alyas Eldrin, 33, nang dakmain ng mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Nixon Cayaban dakong alas-5:00 ng umaga.

Sa ulat ni Cayaban kay Northern Police District (NPD) director P/BGen. Josefino Ligan, ipinarada ng biktima sa harap ng kanyang bahay sa Brgy. Karuhatan noong Huwebes ng alas-5:00 ng umaga ang kanyang Yamaha Aerox para kuhanin ang gamit nang pero makita niya na sinakyan na ito ng isang lalaki at pinaandar kaya tinangka niyang humabol.

Bago pa abutan ng biktima ang suspek, hinarang na siya ni alyas Narvasa na sakay ng Yamaha NMAX at tinutukan ng baril kaya hindi na siya humabol at sa halip nag-post na lang siya sa social media ng pangyayari.

Ilang oras lang may nag-mensahe na sa kanya na nagpakilalang Francis Cohh na humihingi ng P13,000 na kalaunan ibinaba sa P10,000 kapalit ng pagtuturo sa kinaroroonan ng motorsiklo at ipinadala pa sa biktima ang video ng kanyang motorsiklo at mga dokumento.

Dito na humingi ng tulong sa pulisya ang biktima na nagresulta sa pagkakadakip kay Narvasa.

Nahuli ang suspek habang tinutugis pa ang kasabwat nitong si alyas Baning na tumangay sa hindi pa nababawing motorsiklo ng biktima.

Kasong paglabag sa New Anti-Carnapping Act of 2016 at Attempted Robbery Extortion ang kakaharapin ng suspek sa Valenzuela City Prosecutor.