Shabu

Nagbenta ng P40K shabu nag-alok pa ng P3M drogra, arestado

Edd Reyes Sep 22, 2024
139 Views

HULI ng mga pulis ang suspek na tulak ng iligal na droga nang mag-alok pa ng mahigit P3 milyong halaga ng shabu sa poseur-buyer noong Sabado sa Brgy. Ususan, Taguig City.

Nagbitbit pa ang suspek, ayon sa Southern Police District (SPD), na si alyas Joshua ng 580 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit P3.9 milyon para ibenta sa akala niyang big-time buyer na naka-transaksiyon alas-7:00 ng umaga sa Brgy. Ususan.

Ayon kay SPD Director P/BGen. Leon Victor Rosete, ikinasa ng mga tauhan ni Taguig police chief P/Col. Christopher Olazo ang buy-bust nang kumagat si Joshua sa alok na P40,000 halaga ng shabu na bibilhin ng isang tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) na nagpanggap na big-time buyer.

Nang tanggapin ng suspek ang markadong salapi kapalit ng ibinentang shabu, nais pa niyang ialok ang mahigit P3 milyong shabu pero inaresto na siya ng mga tauhan ng SDEU.

Bukod sa mahigit P3 milyong halaga ng shabu, nakumpiska rin sa suspek ang P40,000 markadong salapi at 39 na piraso ng boodle money.

Dinala ng mga pulis ang mga nakumpiskang ebidensiya sa SPD Forensic Unit para sa chemical analysis habang inihahanda na ang pagsasampa ng kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act) laban sa suspek sa Taguig City Prosecutor’s Office.