Calendar
Nagnenok ng telecom wires huli
WALONG pinaghihinalaang kawatan ang nasakote ng mga pulis sa aktong nagnenenok ng mga kable ng telecom sa Paranaque at Muntinlupa noong Linggo.
Sa ulat kay National Capital Region Police Office (NCRPO) director P/MGen. Anthony Aberin, alas-4:50 ng umaga ng madakip ng mga security personnel ng Brgy. Marcelo Green at Parañaque City police sina alyas John John, Roel, George, Bryan at Adrian habang hinuhugot ang mga kable sa ilalim ng kalsada sa Km. 17, West Service Road.
Nasamsam sa mga suspek ang bolt cutters, lagaring bakal, improvised cutting tool at sasakyan na pinaglagyan ng naputol nilang mga kable na aabot sa P201,218,64.
Dakong alas-5:00 ng umaga nang arestuhin ng mga tauhan ni Muntinlupa police chief P/Col. Robert Domingo ang tatlong kawatan ng kable sa kanto ng Madrigal at Commerce Avenues, Brgy. Ayala-Alabang matapos mahuli sa akto ng mga nagpapatrulyang security personnel.
Nakumpiska sa mga suspek ang dalawang metrong underground copper wire na nagkakahalaga ng P165,790.80, bolt cutter, lagaring bakal, improvised hook, kadena at Isuzu van na gamit nila sa operasyon.
“Hindi ito simpleng pagnanakaw—ito ay tahasang pagsira sa kritikal na linya ng komunikasyon. Nahuli sila sa mismong akto, kaya malinaw na walang lusot dito.
Sa NCRPO, kapag inabutan ka sa ganitong gawain, diretso ka sa kulungan at haharap sa kaso. Hindi namin hahayaan na sirain ninyo ang serbisyong inaasahan ng publiko araw-araw,” sabi ni Aberin.
