Biktima

Nahulog sa ilog na bata umahon sa langit

Edd Reyes Aug 31, 2026
179 Views

PATAY ang 11-anyos na batang lalaki nang mahulog sa ilog at tangayin ng tubig-baha pagdaan ng malaking trak noong Linggo sa Valenzuela City.

Tinangka pang sagipin ng kanyang 13-anyos na kaibigan ang biktimang si alyas “Jad” sa ilog sa may R. Jacinto Street sa Barangay Canumay West subalit tinangay na ng agos ang biktima.

Sa ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, nakatambay ang biktima at kaibigan niya dakong alas-2:45 ng hapon nang dumaan ang malaking trak sa binabahang lugar na lumikha ng malakas na alon kaya tumalsik ang bata sa ilog.

Naghahanap ang mga tauhan ng barangay at Valenzuela City Disaster Risk Reduction and Management Office (VCDRRMO) at nakita nila ang lumulutang na katawan ng bata dakong alas-3:10 ng hapon sa ilog sa may Raminel Subdivision, T. Santiago Street, Brgy. Veinte Reales.

Isinugod ng mga tauhan ng VCDRRMO ang bata sa ospital subalit idineklarang dead on arrival ng attending physician.