Lacson-Sotto

Nakatiwangwang na solar pump sa CamNorte papaganahin

247 Views

AGAD tumugon si Partido Reporma presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson sa panawagan ng mga magsasaka sa Camarines Norte na maayos ang solar pump na nagkakahalaga umano ng P6-milyon ngunit hindi naman anila gumagana at ngayon ay nakatiwangwang lamang.

Sa pakikipagdayalogo nina Lacson at running mate na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III sa mga magsasaka sa Daet, Camarines Norte nitong Miyerkules, isa sa kanila ang nagpaabot ng hinaing hinggil sa hindi napakinabangang solar pump sa kanilang barangay.

“Sa amin po noong 2017 may pina-construct sa amin sa barangay, sa purok namin na isang solar pump na nag-wo-worth ng P6-million daw. Ngayon po, mula po nang nangyari ‘yun hanggang ngayon hindi po functional. Hindi gumagana hanggang ngayon. Wala po kaming pakinabang sa solar na ‘yun, ngayon nakatiwangwang lang,” daing ng residente.

Doon mismo, sinabi ni Lacson na bilang senador kakausapin niya agad ang ahensya na nagpagawa ng nasabing proyekto at iimbestigahan ito para malaman ang ugat ng dispalinghadong kagamitan na makatutulong sana sa kabuhayan ng mga magsasaka.

“I-re-request ko po pakibigay niyo po ‘yung detalye at kami po ‘yung pupukpok sa ahensya na nagpagawa ‘non. Kaya po naming gawin sa Senado ‘yon, kaya naming ipatawag at tanungin, ‘Hindi gumagana ‘yung pump ninyo e kung hindi paimbestigahan namin kayo o kaya iimbestigahan namin kayo sa Senado,’” ani Lacson.

Nalaman din ni Lacson sa kanilang naging pag-uusap ni Governor Egay Tallado na walang provincial officer ng Department of Agriculture (DA) sa Camarines Norte kaya hindi madali para sa mga residenteng magsasaka ang maghayag ng kanilang problema.

Ipinangako ni Lacson – na siyang nag-akda ng Free Irrigation Act – na gagamitin niya ang nalalabi niyang panahon bilang senador para panagutin ang mga ahensya at opisyal na responsable sa pagbili ng mga depektibong kagamitang pansakahan.

Dagdag niya rin, kung siya ang magiging susunod na pangulo ay hindi na ganito ang mararanasan ng mga magsasaka dahil mas magiging mabilis na ang pagbaba ng pondo sa mga local government unit (LGU) na siya nang bibili ng mga pangangailangan ng mga magsasaka sa ilalim ng Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE) program ng Lacson-Sotto tandem.

“So, ang solusyon diyan ‘yung programa nga namin na i-devolve o kaya bigyan ng pondo ‘yung local government units galing sa national budget nang sa ganoon ang mag-pro-procure, ang mag-i-implementa local government hindi ‘yung ahensya na napakataas,” ani Lacson.

“Halimbawa, ‘yung budget na ‘yan sa solar pump, sa halip na sa Department of Agriculture o nasa NIA (National Irrigation Administration), ibinaba natin ‘yung pondo sa local government at sila ‘yung nagpagawa, madali ninyong malapitan. Pupunta kayo sa kapitolyo o kakausapin ninyo si mayor sasabihin niyo ‘yung napagawa niyo rito ito ‘yung depekto,” paliwanag niya.

Kung ganito umano ang sistema, mahihiyang gumawa ng depektibong proyekto ang mga lokal na opisyal dahil mas malapit sa kanila ang mga magsasaka at ang mga bumoto sa kanila.

Giit ni Lacson, BRAVE ang solusyon sa mga problemang nararanasan hindi lamang ng mga taga-Camarines Norte ngunit lahat ng LGU sa buong bansa.