Huli

Namaril tiklo sa QC

169 Views

NAARESTO ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang tatlong lalaki na sangkot umano sa pamamaril sa Brgy. Holy Spirit, Quezon City noong Miyerkules.

Ayon sa ulat ng Holy Spirit Police Station 14 chief P/Lt. Col. Jeffrey Gamboa, dakong alas-10:40 ng gabi ng Marso 4 nang makatanggap sila ng tawag tungkol sa pamamaril sa Kaligtasan Extension St., Brgy. Holy Spirit.

Habang binabaybay ng mga pulis ang Don Vicente St., napansin si alyas Christopher, 30, at nasakote ng mga operatiba.

Nabigo ang suspek na magpakita ng anumang dokumento ng baril kaya agad siyang inaresto.

Makalipas ang ilang sandali, dumating sa lugar sina alyas Cecilio, 64, at Wenceslao, 42. Tinangka umanong saksakin ni Wenceslao si Christopher ngunit napigilan ng mga pulis.

Narekober mula kay Wenceslao ang isang bolo na may habang 18 pulgada, dahilan upang arestuhin siya sa kasong attempted murder.

Sa imbestigasyon, napag-alaman na nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ni Christopher at ng dalawang suspek bago naganap ang insidente.

Ayon sa pulisya, pinukpok umano ni Cecilio sa ulo si Christopher gamit ang baril habang sinaksak naman siya ni Wenceslao sa likod gamit ang bolo.

Sa gitna ng kaguluhan, nakuha umano ni Christopher ang baril at nakaputok ng ilang beses laban sa dalawa.

“Pinupuri ko ang agarang aksyon ng ating mga pulis sa pagtugon sa tawag sa Emergency 911 na nagresulta sa mabilis na pagkakaaresto sa mga suspek,” sabi ni QCPD chief P/BGen. Randy Glen Silvio.