Calendar
Source: SPD PIO
Namukpok ng baril, nambutas ng gulong sa Taguig tukoy na
TUKOY na ng Southern Police District (SPD) ang pagkakakilanlan sa isa sa dalawang lalaki sa nag-viral na video na pumukpok ng baril at bumutas sa gulong ng isang abuhing Nissan Navarra na nasangkot sa karambola ng sasakyan sa Taguig City.
Ayon kay SPD Public Information Office (PIO) head P/Lt Margaret Panaga, bayaw ng isa sa nabanggang sasakyan ng driver ng Nissan Navarra ang naka-helmet na lalaki na bumutas sa dalawang gulong ng sasakyang minamaneho ng isang senior citizen.
Patuloy pa aniyang inaalam ng mga tauhan ng Taguig police ang pagkakakilanlan sa naka-helmet ding lalaki na pumukpok naman ng baril sa salamin sa gawing kanan ng behikulo
Bagama’t nagpasiya ang driver ng Nissan Navarra na huwag ng maghain ng reklamo laban sa dalawang lalaki, mahigpit pa rin ang kautusan ni SPD Acting Director P/Col. Glenn Oliver Cinco na tugisin ang dalawa na malinaw na may nilabag sa umiiral na batas.
Sinabi ni Lt. Panaga na lumabas sa imbestigasyon na hinabol ng dalawang naka-helmet ang driver ng Nissan Navarra na tumakas matapos banggain ang isang Toyota Corona na sumalpok naman sa isang motorsiklo sa Chino Roces Avenue, Brgy. For Bonifacio, Taguig noong gabi ng Abril 24, 2026.
Inabutan ng dalawa ang tumakas na driver nang makabangga pa ng isa pang sasakyan sa Chino Roces Avenue Extension malapit sa Alphaland, Brgy. Magallanes sa Makati City kung saan nila isinagawa ang pamumukpok ng baril sa salamin ng sasakyan at pagbutas sa dalawang gulong na nakuhanan ng video ng isang motorista.

