Nando Ang sitwasyon sa isang evacuation center sa La Union nitong Lunes (Set. 22, 2025). Umabot sa 340 pamilya sa La Union ang inilikas dahil sa epekto ng Super Bagyong Nando. Source: PNA/Pamahalaang Panlalawigan ng La Union

‘Nando’ nag-iwan ng 1 patay, 340 pamilyang lumikas sa La Union

319 Views

MALASIQUI, Pangasinan – Isang 27-taong gulang na lalaki ang nasawi matapos tamaan ng kidlat sa kasagsagan ng pananalasa ng Super Bagyong Nando (international name: Ragasa) sa Hilagang Luzon nitong Lunes. Tinatayang 340 pamilya naman ang inilikas sa lalawigan.

Ayon sa ulat mula sa La Union Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, ang biktima ay mula sa bayan ng Aringay. Samantala, kabilang sa mga lumikas patungo sa mas ligtas na lugar ang 340 pamilya mula sa kabuuang 476 apektadong pamilya o 1,529 katao mula sa 48 barangay sa mga bayan ng Bangar, Luna, Bagulin, Bauang, Sudipen, Rosario, at San Juan.

Sa bilang na ito, 203 pamilya ang kasalukuyang nasa loob ng 32 evacuation centers habang 137 pamilya naman ang nasa labas ng evacuation centers—nakikituloy sa mga kamag-anak o kaibigan.

Isang bahay ang tuluyang nasira sa bayan ng Luna, habang dalawang bahay naman ang bahagyang nasira sa mga bayan ng Luna at Sudipen.

Nagdulot din ng matinding pagbaha at ilang landslide ang malalakas na pag-ulan dulot ng Bagyong Nando sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.

Inatasan ni La Union Governor Mario Ortega ang malawakang pagbabantay ng mga lokal na pamahalaan upang masuri at mapahusay ang pagtugon sa sakuna.

Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Rehiyon ng Ilocos ay may nakahandang 121,348 na food at non-food items na nagkakahalaga ng P96.4 milyon. Ang mga ito ay nakaimbak sa isang regional warehouse, dalawang satellite warehouses, at 17 aktibong prepositioning areas sa rehiyon.

“Ating napunan nang buo ang mga bodega at handang tumulong sa mga lokal na pamahalaan,” ayon kay DSWD Ilocos regional director Marie Angela Gopalan sa isang forum nitong Lunes.

Sinabi rin ni Department of Health Ilocos regional director Paula Paz Sydiongco na handa na ang mga medical supplies, hygiene kits, malinis na inuming tubig, nutrition kits, at iba pang lohistika.

Samantala, nananatili pa rin ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 sa hilagang bahagi ng La Union at Signal No. 1 naman sa iba pang bahagi ng lalawigan hanggang alas-5 ng umaga nitong Martes. Philippine News Agency