Nanette

Nanette Inventor itinaas ang antas ng talento

Ian F Fariñas Jun 20, 2024
109 Views

Sa isang tanyag na karera na sumasaklaw sa halos apat na dekada sa industriya ng showbiz, handa na si Nanette Inventor na dalhin ang kanyang malakas na kalibre ng mga talento sa komedya, pagkanta at pagho-host sa mas mataas pang antas sa pagpirma sa Viva Artists Agency katuwang ang Stages.

Sinimulan ng beteranong entertainer ang kanyang karera bilang mang-aawit bilang miyembro ng UP Concert Chorus at back-up singer ng grupong Filipina.

Pagkatapos nito ay naging boses din siya ng iba’t ibang jingle sa telebisyon at radyo, gayundin sa cover version ng iba’t ibang international hits.

Lalong sumikat si Nanette nang sumali sa 7th Metro Manila Pop Music Festival noong 1984, kung saan naiuwi niya ang grand prize para sa Salamat Musika ni Gary Granada.

Noong 1983, nagkaroon siya ng segment sa Penthouse Live ng Channel 7, partikular sa social satire portion nito kung saan binigyang-buhay niya ang karakter ni Doña Leonila Evaporada Viuda de Ford, mas kilala bilang Doña Buding. Sa pagpapatuloy ng kanyang tagumpay bilang comedienne-singer, naging mainstay din si Nanette sa mga palabas na Por Kilo, In The Money at Abangan Ang Susunod Na Kabanata.

Sangkatutak din ang guest appearances niya sa iba’t ibang television drama anthologies, telecine at TV specials. Bukod dito, isa rin siyang top choice bilang hurado sa mga pantimpalak sa kantahan para sa mga bata.

Nadala rin siya ng kanyang mga talento sa isang internasyonal na madla. Nakapag-perform na siya a iba’t ibang sulok ng mundo tulad ng Amerika, Italya, Singapore, Malaysia at Australia.

Isa sa mga hindi niya malilimutang pagtatanghal ay sa makasaysayang Carnegie Hall sa New York City kung saan siya ang kauna-unahang Pinay na nagtanghal sa iconic concert venue.

Ginamit din ni Nanette ang talento sa pagkanta sa teatro. Nagbida siya sa mga produksyong Honk, The Wiz, Noli Me Tangere, El Filibusterismo at Separasyon. Ang huling dula ni Lito Casaje ay nanalo ng isang Carlos Palanca Award.

Sa mundo ng social media, ang comedienne-singer ay nagbigay saya din sa mga batang manonood matapos ang kanyang mga nakakatawang video at parody ng mga kilalang modernong kanta, tulad ng Tala at Despacito, pati na ang mga sikat na political at social figure, na naging viral hits.

Bilang pinakabagong miyembro ng Viva Artists Agency (VAA), mas handang ipakita ni Nanette ang talento sa entertainment.