Calendar
Source: File photo
Nanloko ng P3M tiklo
NAHULI ng mga tauhan ng Taguig City police noong linggo ang isang con artist na nakapagnakaw ng tinatayang P3.2 milyon na halaga ng computer, camera, at surveillance equipment mula sa kompanya sa Lipa City.
Ang suspek, na kinilalang si alias Michael, 37, naaresto ng mga pulis ng Taguig CPS sa pangunguna ni Colonel Byron Allatog matapos magsampa ng reklamo ang mga kinatawan ng EZ Tech IT Solutions.
Nahaharap ang suspek sa kasong estafa (panloloko) at paglabag sa Batas Pambansa 22 o ang Anti-Bouncing Check Law.
Lumitaw na noong Hulyo 1, ang akusado na nagpapakilalang si ‘Dennis Lim’ ay nagpadala ng email sa kompanya mula Lipa City upang magtanong tungkol sa pagbili ng IT products.
Nagbigay siya ng dalawang numero ng cellphone para sa mabilisang komunikasyon at nagpasa ng isang purchase order at pekeng Certificate of Registration ng kompanya niya upang magmukhang lehitimo.
Dahil dito, inihanda ng kumpanya ang delivery ng mga printer, document scanner, 24-port Gigabit POE switch, dome camera, mini-bullet camera, 16-channel NVR at Apple iPad Air M3 na may kabuuang halagang P3,194,774.
Noong Hulyo 8, dumating ang isa sa mga complainant kasama ang delivery team sa address na ibinigay ng akusado.
Isang lalaking nagpakilalang Richard ang tumanggap ng mga kagamitan at isinakay ito sa isang puting Toyota Hi-Ace van.
Nagbayad ang lalaki ng P54,000 cash at isang tseke ng Asia United Bank na nagkakahalaga ng P3,028,274. Kalaunan, natuklasang closed account na ang check issuer.
Hindi na makontak ng kumpanya ang suspek at kalauna’y binlock pa sila nito.
Nahanap ng mga pulis ang driver ng van sa Antipolo City, Rizal.
Ayon sa driver, binayaran siya ng P7,000 upang i-deliver ang mga kagamitan sa Parañaque City.
Dinala ng driver ang mga pulis sa isang construction site sa loob ng Better Living Subdivision, Brgy. Don Bosco, Parañaque City kung saan narekober ang 2 video recorder, 10 dome network camera, 6 bullet network camera, at 2 network switch na tinatayang nagkakahalaga ng P132,000.
Sa follow-up operation, naaresto ang suspek sa kanyang tirahan sa Mariano South Center Point, Brgy. Moonwalk.
Kinilala siya ng mga kinatawan ng kumpanya na siyang nakipagtransaksyon sa kanila at nagbigay ng tseke mula sa closed account issuer.
Pinuri nina NCRPO Director Maj. Gen. Anthony A. Aberin at Southern Police District Director Brig. Gen. Randy Y. Arceo ang Taguig police sa mahusay na trabaho.
