Calendar
Acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr.
Nartatez: 4 na pulis na nagpaputok ng baril bago mag-2026 sisipain sa serbisyo
APAT na pulis na nagpaputok ng kanilang baril bago ang Bagong Taon ay naaresto, ikinulong at tiyak na matatanggal sa serbisyo, ayon kay acting Philippine National Police (PNP) Chief Lt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. nitong Lunes.
Ayon sa hepe ng PNP, nakapagtala sila ng 18 insidente ng indiscriminate firing at 15 kaso ng stray bullet mula Disyembre 16 hanggang madaling araw ng Disyembre 31. Anim sa mga insidente ay naganap sa pagsalubong ng Bagong Taon.
Sa anim na insidente, isang suspek ang nakilala at haharap sa kasong kriminal sa korte. Ang lima pang suspek na pawang sibilyan ay naaresto at kinasuhan din.
Sinabi ni Nartatez na apat sa mga suspek sa indiscriminate firing ay miyembro ng pulisya.
“They were all inquested, take note. Ibig sabihin nakakulong na. Hindi na susuweldo and placed on automatic leave without pay. Corresponding administrative cases will be filed against them and they have been stripped of their badges and firearms,” aniya.
Dagdag niya, sa 15 kaso ng stray bullets, lima ang naganap mula Disyembre 16 hanggang 31, habang ang natitira ay noong bisperas ng Bagong Taon.
Isang suspek ang nakilala at kinasuhan na sa korte, habang iniimbestigahan pa ang 14 pang trigger-happy na indibidwal.
Ipinadala na sa PNP Forensic Group ang mga basyo ng bala na narekober kung saan naganap ang indiscriminate firing incidents para sa ballistics examination.
“If they turn out to have been fired from licensed guns, police will be easily able to identify their registered owners for filing of charges,” sinabi ni Nartatez.
Ang apat na pulis ay mula sa Surigao del Sur, Iloilo, Parañaque City at Cagayan de Oro City.
Ani Nartatez, inutos niya mismo ang pag-aresto sa pulis sa Surigao na nagpaputok ng baril nang walang dahilan. Isa pang patrolman ang naaresto matapos magpaputok para takutin ang mga maingay na bata sa kanilang lugar.
Dalawa pa ang naaresto at ikinulong dahil nagpaputok habang lasing.
“They were arrested, ’yong dalawang pulis na nagpaputok because of intoxication. Dapat lang kasi useless naman kung puro utos lang ako pero walang ginagawa sa baba,” ani Nartatez.
Ayon sa tagapagsalita ng PNP na si Brig. Gen. Randulf T. Tuaño, lumabas sa imbestigasyon ng PNP Anti-Cybercrime Group na pinamumunuan ni Brig. Gen. Wilson P. Asueta na ilan sa mga viral na video ng indiscriminate firing ay hindi totoo — isa lang ang tunay at nangyari pa sa Milan, Italy.
“’Yung iba, hindi totoong firearms ang ginamit,” aniya.
“My instruction was clear and simple: do not use any firearm to greet the New Year or in any celebration. I trusted each and every uniformed personnel to maintain discipline and professionalism and focus on our job of maintaining peace and order, which is why we did not tape the muzzle of our service firearms,” sinabi ni Nartatez.

