Calendar
Veto ni PBBM suportado ni Sotto
IPINIHAYAG ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang suporta niya sa desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na i-veto ang ilang bahagi ng 2026 national budget, na aniya’y hakbang upang mapanatili ang malinis at disiplinadong paggastos ng pondo ng bayan at maiwasan ang patronage politics.
Nilagdaan ni Pangulong Marcos ang P6.793-trilyong General Appropriations Act para sa 2026 matapos repasuhin ang enrolled budget, kung saan ibineto ang ilang probisyon, kabilang ang bahagi ng unprogrammed appropriations at ang panukalang magpapahintulot sana sa mga politiko na direktang mamahagi ng tulong ng gobyerno.
Ayon kay Sotto, pinatitibay ng mga veto ang fiscal discipline at sinisiguro na ang pagpapalabas ng pondo ay dumaraan lamang sa mga itinakdang ahensya ng ehekutibo upang maiwasan ang panghihimasok ng pulitika.
Sa ilalim ng pinagtibay na batas, nananatili ang humigit-kumulang P243 bilyong unprogrammed appropriations na maaari lamang gamitin kung may sobrang kita ang pamahalaan o may sapat na mapagkukunan ng pondo, at hindi ito awtomatikong inilalabas.
Ipinaliwanag ni Executive Secretary Ralph Recto na tatlong pangunahing item na lamang ang saklaw ng unprogrammed appropriations: suporta sa foreign-assisted projects na mahigit P97 bilyon, ang revised Armed Forces of the Philippines modernization program na P50 bilyon, at ang P3.6-bilyong risk management program.
Bukod dito, tinanggap din ng ibang senador ang pagpirma sa 2026 budget, partikular ang mga pondong inilaan para sa sektor ng edukasyon.
Ayon kay Sen. Paolo Benigno “Bam” Aquino IV, chairperson ng Senate Committee on Basic Education, titiyakin ng bagong budget ang sapat na pondo para sa mahahalagang programang pang-edukasyon.
“Panalo ang kabataang Pilipino ngayong naaprubahan na ang 2026 national budget. Sa pamamagitan nito, mapopondohan na at maipatutupad nang tama ang mga mahahalagang programang makatutulong upang mapalakas at mapabuti ang sektor ng edukasyon,” wika ni Aquino.
Kabilang sa P1.34-trilyong pondo para sa edukasyon — ang pinakamalaki sa kasaysayan ng bansa — ang P68 bilyon para sa pagtatayo ng mga bagong silid-aralan at P25.6 bilyon para sa pagpapalawak ng School-Based Feeding Program. Naglaan din ang budget ng P67 bilyon para sa pagpapatupad ng Republic Act No. 10931 o Libreng Kolehiyo Law na inakda ni Aquino.
“May pondo na para sa pagpapatayo ng mga silid-aralan, dagdag na budget para sa school-based feeding program at libreng kolehiyo, at iba pang mahahalagang suporta para sa mga mag-aaral upang matiyak na mas maayos silang makakapag-aral,” dagdag pa niya.
Isinama rin sa budget ang mungkahi ni Aquino na maglaan ng P500 milyon sa ilalim ng Maintenance and Other Operating Expenses ng Higher Education Development Program para sa Related Learning Experience ng mga estudyante sa allied health sciences programs tulad ng Nursing, Medical Technology, Pharmacy, Physical Therapy, Radiologic Technology, Midwifery, Dentistry, at Psychology.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Pangulong Marcos jr. na sinusuportahan din ng education budget ang paglikha ng teaching at non-teaching plantilla positions sa mga pampublikong paaralan, pati na ang promosyon o reclassification ng mga guro upang matiyak ang kalidad ng edukasyon.
Gayunpaman, muling iginiit ni Aquino ang panawagan na bantayan ang implementasyon ng budget upang matiyak ang ganap na transparency.
“Sama-sama nating bantayan ang paggamit ng pondong ito, hanggang sa kahuli-hulihang sentimo, upang masigurong mapupunta ito sa edukasyon at hindi sa korapsyon,” giit niya.

