NDRRMC

Nasawi sa hagupit ng Habagat, nina ‘Carina’, ‘Butchoy’ umakyat sa 36 — NDRRMC

Zaida Delos Reyes Jul 30, 2024
56 Views

UMAKYAT na sa 36 tao ang nasawi sa pinagsamang hagupit ng hanging habagat, tropical depression Butchoy at super typhoon Carina sa iba’t ibang panig ng bansa.

Batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC nitong Lunes ng umaga, karamihan sa mga nasawi ay dahil sa pagkakalunod, pagkakakuryente, natabunan ng landslide at nabagsakan ng mga tumaob na punong kahoy.

Sa 36 na nasawi, 14 ang kumpirmado kabilang ang lima mula sa Calabarzon, apat sa Zamboanga Peninsula, dalawa sa Central Luzon at tig-isa mula sa Northern Mindanao, Davao Region at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.

Nasa 22 naman ang patuloy pang bina-validate, kasama rito ang 15 mula sa Metro Manila, lima sa Calabarzon at tig-isa mula sa Ilocos Region at BARMM.

Anim din ang iniulat na nawawala . Dalawa rito ay mula sa Ilocos Region at isa sa Northern Mindanao . Anim din ang naiulat na nasugatan kasama ang apat mula sa Cordillera Autonomous Region o CAR at dalawa sa Northern Mindanao.

Sa tala ng NDRRMC, umabot narin sa 4,553,752 tao o 1,240,090 pamilya ang naapektuhan ng tatlong sama ng panahon.

Sa nasabing bilang 152,800 indibidwal o 38,292 pamilya ang pansamantalang nasa loob ng evacuation centers habang 641,944-tao o 134,235 pamilya ang pansamantalang nakitira sa kanilang mga kaanak na nasa ligtas na lugar.

Sa ngayon, nasa 39 lamang mula sa 119 apektadong lugar ang may problema sa kuryente at isa nalamang sa walong lugar sa Zamboanga Sibugay ang may problema sa tubig.

Isang domestic flight na lamang sa Ilocos Region ang kanselado habang ang 92 domestic flights at walong international flights sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang nagpatuloy.

Sa ngayon, nasa 22 daungan sa Ilocos Region at Mimaropa ang hindi parin nagpapatuloy ang operasyon na siyang sanhi ng pagkaka-stranded ng dalawang rolling cargo at limang motor banca.

Nasuspindi rin ang klase sa 502 lugar habang 474 na lugar ang nagsuspinde ng trabaho.

Umakyat narin sa P1,691,792,804.84 ang halaga ng pinsala sa imprastraktura habang nasa P355,604,659 ang pinsala sa agrikultura at P6,560,000 ang naiulat na pinsala sa irrigation facilities.

Nasa 13 lugar naman sa bansa ang nagdeklara ng state of Calamity. Kabilang dito ang Bauang sa La Union, Bataan, Pampaga, Bulacan, Cavite, San Mateo sa Rizal, Pinamalayan and Baco sa Oriental Mindoro, San Andres sa Romblon, Jose Abad Santos sa Davao Occidental , Kabacan at Pikit sa Cotabato at Metro Manila.

Ayon sa NDRRMC, nasa P3,424,590,652.13 ang halaga ng tulong na naibigay ng pamahalaan sa mga apektadong pamilya.