Bagunas

Nat’l athlete di dapat nanghihiram ng pamasahe para makapag-ensayo

116 Views

HUMINGI ng paliwanag si Sen. Joel Villanueva nitong Lunes matapos sabihin ni Alas Pilipinas men’s captain Bryan Bagunas na wala silang allowance mula Hulyo at may mga kasamahan siyang nanghihiram na lang ng pamasahe para makapag-ensayo.

“Hindi po dapat nanghihiram, Ginoong Pangulo, ng pamasahe ang isang national athlete para lang po makapag-ensayo para sa Pilipinas,” ani Villanueva sa kanyang manifestation sa plenaryo.

Sinipi ni Villanueva ang sinabi ni Bagunas sa isang panayam:

“Hindi sila makapunta. Yun nga, yung iba wala kasi silang pamasahe. Wala kaming allowance from July. So ayun, naiintindihan ko naman kasi most of the players are student athletes. So ayun, nagtutulungan na lang kami para mag-ensayo nang kumpleto. Yung iba nanghihiram na talaga. Wala kasi talagang pamasahe.”

Ayon kay Villanueva, sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act, may P110.437 milyon ang Philippine Sports Commission (PSC) para sa paghahanda, training at paglahok sa iba’t ibang international games, kabilang ang 2026 Asian Games.

“The gap deserves an explanation,” iginiit niya.

Aniya, bubusisiin nila ito sa budget hearing ng PSC, at maaaring pati sa Committee on Sports na pinamumunuan ni Sen. Bong Go. Aalamin daw nila kung paano ginagamit ang pondo at kung nakararating ang suporta sa mga atleta kapag kailangan nila ito.

“Our athletes carry our flag and represent our country. They should not have to worry about transportation, food, allowances, and other basic needs just to report for training,” dagdag niya.

Narinig din daw ni Villanueva kamakailan na inamin ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) na nagkulang ito sa pagsuporta sa koponan. Inamin din umano nito ang mga personal advance na iniulat na ginawa ng liderato nito para sa mga agarang gastusin.

Sinabi rin daw ng bagong pinuno ng PNVF na marami itong minanang problema, at “utang ho yata, if I’m not mistaken,” ayon kay Villanueva.

“Personal advances cannot be the system,” wika niya. “Our athletes need a functioning system where allowances arrive on time, training is properly funded, and basic needs are covered so that they can focus on preparing and competing.”

Tinawag ni Villanueva si Bagunas na “Michael Jordan of Southeast Asia” pagdating sa volleyball. Naglalaro aniya ito sa Japan nang tawagin para katawanin ang bansa, at nagtamo ito ng ACL injury.

Ayon kay Villanueva, na nagkaroon din ng ACL injury, patunay ito ng malasakit ni Bagunas sa paglalaro para sa bansa.

Nagsimula na ang Asian Games. Ayon kay Villanueva, may ulat noong una na hindi kasama ang team captain, kaya natuwa siya nang makita itong kasama na sa huli.

Hindi raw ito ang unang beses na nakarinig siya ng ganitong reklamo. Nakausap na raw niya tungkol dito sina Sen. Jose Victor “JV” Ejercito at Go, pati ang PNVF.

“Medals are not won only on competition day. They are built during training,” ani Villanueva, na dating national athlete.

“Hindi po dapat medalya ang simula ng suporta. Ang suporta ang dapat maging simula ng medalya,” aniya. “The investment must come before the medal.”