Navotas

Navotas mayor kumpiyansa kalsada papunta sa nasusunog na landfill madadaanan na sa Lunes

Edd Reyes Apr 19, 2026
48 Views

KUMPIYANSA si Navotas City Mayor John Rey Tiangco na madadaanan na sa Lunes ang kalsadang nag-uugnay sa pangunahing ruta ng lungsod papunta sa dating sanitary landfill sa Brgy. Tanza 2 na nasusunog pa hanggang ngayon.

Ayon kay Mayor Tiangco, nilakad niya ang ginagawang road dike noong Sabado at nakita niya na halos 50 metro na lang ang kulang upang makonekta sa Navotas sanitary landfill facility (NSLF) na pwedeng tahakin ng mga heavy equipment.

Tuloy pa rin ang dredging at soil cover operations sa lugar na layong maapula ang sunog kahit kulang pa rin sa gamit dahil sa lawak na sakop ng apoy.

Bagama’t nakikipagtulungan sa pamahalaan ang mga pribadong sektor para sa mga kinakailangang heavy equipment, hirap pa ring maipadala ang mga ito sa NSLF dahil nahihirapang bumiyahe sa lugar ang mga barge na kinakargahan ng mga bulldozer, dump trucks, dredger at fire trucks dahil mababaw ang tubig kapag low tide.

“Kapag natapos na ang road dike, mapapabilis na natin ang biyahe ng mga heavy equipment at tuloy-tuloy na ang pagtatambak sa umaapoy at umuusok pa ring tambak ng basura,” sabi ng alkalde.