Bata SEARCH OPS – Ang mga tauhan ng Coast Guard at mga katuwang na ahensiya ay nagsagawa ng search noong Linggo sa kahabaan ng Mayag River sa Mainit, Surigao del Norte. Natagpuan nila ang bangkay ng batang nawawala mula nang mahulog sa ilog noong Disyembre 13. Larawan mula sa CGSSDN

NAWAWALANG BATA NAKITANG BANGKAY NG PCG

236 Views

BUTUAN CITY – Natagpuan ng mga tauhan ng Coast Guard ang bangkay ng nawawalang bata noong Linggo matapos ang masusing paghahanap sa Mayag River sa Mainit, Surigao del Norte.

Iniulat na nawawala ang bata mula pa noong Sabado matapos umanong mahulog sa ilog sa Purok Mahusay, Barangay Matin-ao sa nasabing bayan.

Ang paunang paghahanap na isinagawa ng Coast Guard Station Surigao del Norte (CGSSDN), Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), at Bureau of Fire Protection (BFP) ay pansamantalang itinigil noong Sabado ng gabi dahil sa poor visibility at malakas na ulan.

“Search efforts with the support units from MDRRMO and BFP were immediately undertaken to determine the child’s whereabouts but yielded negative results,” ayon sa ulat ng CGSSDN nitong Lunes.

Pinaigting ang operasyon ng search teams noong Linggo, na nagpadala ng karagdagang tauhan mula sa Coast Guard Special Operations Group. Isinagawa nila ang underwater, surface at shoreline searches na sumasaklaw sa 1.2 kilometro downstream.

Natagpuan at narekober ang bangkay bandang alas-9 ng umaga at in-identify ito ng mga kaanak. Idinala ang mga labi sa Mainit police para sa tamang disposisyon. Philippine News Agency