Wanted

WANTED SA 117X NA PAGNANAKAW TIKLO

Alfred Dalizon Dec 15, 2025
235 Views

ARESTADO ang isa sa mga most wanted person (MWP) sa bansa na nahaharap sa kasong 117 counts ng qualified theft na may halos P5 milyong piyansa na inirekomenda ng korte, ayon sa direktor ng Philippine National Police Intelligence Group (PNP-IG) na si Brig. Gen. David N. Poklay nitong Lunes.

Sinabi ng opisyal na ang suspek ay naaresto sa Purok Pag-asa, Barangay Lumakil, Polomolok, South Cotabato, matapos ang pagbuo ng “intelligence packet” ng Regional Intelligence Unit 12.

Ang suspek ay may warrant of arrest para sa 117 bilang ng qualified theft na inilabas ng Polomolok, South Cotabato Regional Trial Court (RTC) Branch 62, na may piyansang itinakda sa P4.842 milyon.

Itinuturing ang akusado bilang No. 1 regional MWP sa Soccsksargen region bago ang kanyang pagkakaaresto.

Samantala, iniulat din ni Poklay na nakabuo rin ng impormasyon ang kanilang Regional Intelligence Unit 3 na nagresulta sa pagkakaaresto sa 50-anyos na lalaking suspek na wanted sa kasong murder at frustrated murder sa Pampanga.

Walang inirekomendang piyansa ang Angeles City RTC Branch 58 para sa kasong murder ng suspek, habang iniutos ng Angeles City RTC Branch 116 na maglagak siya ng P200,000 na piyansa para sa kasong frustrated murder laban sa kanya.

Naaresto ang akusado sa Astro Park, Brgy. Balibago, Angeles City. Itinuturing siyang pangalawang regional MWP sa Central Luzon.

Sinabi ng opisyal na ang mga suspek ay kabilang sa pinakabagong naipakulong na top lawbreakers ng PNP-IG sa tulong ng mga lokal na yunit ng pulisya, alinsunod sa direktiba ni acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. at Director for Intelligence Major Gen. Wilson Joseph F. Lopez.