Nazal

Nazal hinimok DILG, PNP na paigtingin seguridad sa mga paaralan, pigilan ang karahasan

Mar Rodriguez Sep 3, 2026
35 Views

HINIMOK ni Bagong Henerasyon Party List Rep. Robert Nazal ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) upang paigtingin ang seguridad sa mga paaralan at gumawa ng mas epektibong hakbang upang maiwasan ang pagkakasangkot ng mga estudyante sa mararahas na krimen.

Inihayag ni Nazal ang panawagan sa pagdinig ng House Committee on Appropriations hinggil sa panukalang 2027 budget ng DILG kasunod ng mga insidente ng karahasan na kinasasangkutan ng mga paaralan at estudyante.

Ayon kay Nazal, dapat higit na pagtuunan ng DILG ang aktuwal na protective services sa mga paaralan, lalo na’t may ilang eskuwelahang napilitang magsagawa ng online classes dahil sa mga pangamba sa seguridad.

“Today, several schools have shifted to online classes because of reported security concerns, after the recent incidents of violence involving schools. Understandably, takot na yung mga magulang, teachers, at mga estudyante,” sabi ni Nazal.

Dahil sa panukalang ₱16 bilyong dagdag sa budget ng PNP, iminungkahi ng kongresista na bahagi ng karagdagang pondo ay gamitin sa pagpapalakas ng seguridad sa mga paaralan sa buong bansa.

Iminungkahi ni Nazal ang pagbuo ng isang programang kahalintulad ng konsepto ng “one barangay, one police” kung saan bawat paaralan ay magkakaroon ng nakatalagang police officer o police team.

“Ano ang magbabago sa actual security ng ating mga paaralan? Before, meron tayo nung concept ng one barangay, one police. Can the PNP develop a one school, one police program where every school has a designated police officer or police team responsible for that school?” tanong ni Nazal.

Nilinaw naman ng mambabatas na hindi niya ibig sabihin na kailangang magkaroon ng isang pulis sa bawat paaralan, dahil hindi umano ito praktikal dahil sa limitadong manpower ng PNP.

Sa halip, nais ni Nazal na magkaroon ng nakatalagang police contact na kilala ng principal at mga guro, may direktang numero na maaaring tawagan kapag may banta, at regular na bumibisita sa paaralan para tumulong sa safety orientation at iba pang hakbang pangseguridad.

Hinimok niya ang PNP na magsagawa muna ng pilot implementation sa mga paaralang nasa high-risk at densely populated areas bago tuluyang palawakin ang programa.

Ayon kay PNP Chief Jose Melencio Nartatez, makatutulong ang tuloy-tuloy na koordinasyon ng pulisya sa mga paaralan at komunidad upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa mga campus.

Samantala, sinabi ni DILG Undersecretary Jed Mabilog na mayroon nang partnership ang DILG, Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) para sa isang public safety youth ambassadors program na tinatawag na Kapwa Caritas.

Ipinaliwanag ni Mabilog na ang “Kapwa” ay tumutukoy sa peers habang ang “Caritas” ay nangangahulugang compassion o malasakit.

Aniya, maaaring maging mahalagang katuwang ang mga kapwa estudyante at student organizations, partikular ang student councils, sa pagtukoy at pagpigil sa mga banta ng karahasan sa loob ng campus.

Hinimok din ni Nazal ang DILG at PNP na masusing subaybayan at imbestigahan ang mga online community games na maaaring mag-udyok sa mga batang manlalaro na gumawa ng mararahas na gawain kapalit ng in-game rewards.

Sinabi naman ni DILG Undersecretary Jon Paulo Salvahan na nakikipagtulungan ang kanilang departamento sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at National Telecommunications Commission (NTC) upang pigilan ang mga bata sa pag-access sa mga mapanganib at malisyosong website.

Binigyang-diin din ni Nazal na mahalagang bahagi ng pagpigil sa karahasan sa mga paaralan ang mas mahigpit na regulasyon sa pagmamay-ari at pag-iingat ng mga baril.

“Lagi nating sinasabi na gun ownership is a privilege that comes with responsibility. Kapag ang licensed firearm ay napunta sa kamay ng unauthorized person, or a minor, or is used in a crime because it was not properly secured, iniimbestigahan ba automatically ang registered owner?,” ani Nazal.