Calendar
Prosecution: Ebidensya, hindi personalidad, dapat pagbatayan sa trial ni VP Sara
HINIHIKAYAT ng House prosecution panel ang publiko na pagtuunan ng pansin ang mga testimonya at dokumentong iniharap sa unang 19 na araw ng paglilitis sa impeachment case ni Vice President Sara Z. Duterte, sa halip na hayaang manaig ang usaping pulitikal at personalidad.
Sinabi ni dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace S. Barbers, House impeachment spokesperson at adviser, na nagharap ang prosecution ng mga testigo at dokumentaryong ebidensya habang binigyan naman ang defense team ni Duterte ng pagkakataong kuwestiyunin ang mga ito sa pamamagitan ng cross-examination sa Senate Impeachment Court.
“Nakita na natin, dininig natin ang mga ebidensyang inilatag ng ating prosecution panel,” ayon kay Barbers.
Dagdag ni Barbers na nagkaroon din ng pagkakataon ang depensa na suriin at kuwestiyunin ang mga testigong iniharap ng prosecution.
“Ito naman din ay nagkaroon ng pagkakataon na ma-cross-examine ng ating defense panel ang mga witnesses na aming ipinrisinta,” wika nito.
Binigyang-diin ni Barbers na dahil bukas sa publiko ang mga pagdinig, may pagkakataon ang mga Pilipino na sariling suriin ang mga ebidensyang inihaharap ng magkabilang panig.
“We urge that the Filipino people listen, hear, and suriin mabuti itong mga ebidensyang ito na inilatag ng dalawang panig—both the defense panel at iyong ating prosecution panel,” pahayag niya.
Sa kasalukuyan, nakatuon ang paglilitis sa Article I na tumatalakay sa alegasyon ng maling paggamit sa kabuuang ₱612.5 milyon na confidential funds, ₱500 milyon na inilabas sa Office of the Vice President (OVP) at ₱112.5 milyon sa Department of Education (DepEd) noong parehong pinamumunuan ni Duterte ang dalawang ahensya.
Ayon kay Barbers, dapat tingnan ng publiko ang impeachment proceedings bilang isang mekanismong nakapaloob sa Konstitusyon para papanagutin ang matataas na opisyal ng pamahalaan sa kanilang mga naging opisyal na gawain.
“This is all about accountability. It is not about personalities,” diin niya.
Itinuro rin ni Barbers ang mga pirma at pag-apruba na makikita sa mga dokumentong nasuri na sa korte, na aniya ay dapat timbangin kasama ng mga testimonya ng mga testigo.
“Dahil nga the document will speak for itself. May mga pirma, may mga pag-approve ang ating pangalawang pangulo dito sa pag-implement nitong programang confidential and intelligence funds,” ani Barbers.

