Calendar
NBI: Banta kay PBBM, First Lady Liza , ex-Speaker Romualdez seryoso
ITINUTURING ng National Bureau of Investigation (NBI) na seryoso at national security concern ang mga pagbabanta ni Vice President Sara Duterte laban kina President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
Inilahad ni Atty. Jeremy Lotoc, regional director ng NBI, sa harap ng mga senator-judges ang resulta ng imbestigasyon ng kanyang grupo kaugnay ng mga pahayag ng Bise Presidente sa isang online press conference noong Nobyembre 23, 2024.
Sa pagtatanong ni prosecution counsel Amando Virgil Ligutan, sinabi ni Lotoc na sa kanilang imbestigasyon ay napansin niya ang mga opisyal na pahayag ng National Security Council (NSC), Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na nagpapakita ng kanilang pag-aalala sa mga pahayag ng Bise Presidente.
“Itinuturing ng National Security Council na seryoso ang lahat ng banta laban sa Pangulo ng Pilipinas. Anumang banta sa buhay ng Pangulo ay dapat beripikahin at ituring na usapin ng pambansang seguridad,” ayon kay Lotoc
Sinabi rin ni Lotoc na sa pahayag ng PNP ay ginamit ang salitang “assassin” (mamamatay-tao) bilang pagtukoy sa taong sinabi umano ng Bise Presidente na kanyang kinausap upang isagawa ang mga bantang pagpaslang.
“Ginamit ng PNP ang terminong ‘assassin,’” ani Lotoc.
Binasa rin niya ang pahayag ng PNP: “Itinuturing ng Philippine National Police na lubhang seryoso ang anumang banta sa kaligtasan at seguridad ng Pangulo at ng lahat ng mga opisyal ng pamahalaan.
Kaugnay ng kamakailang mga pahayag ni Bise Presidente Sara Duterte, na tahasang tumukoy sa isang assassin na umano’y inatasang targetin ang Pangulo, kinikilala ng PNP ang matinding bigat ng usaping ito.
Ang kaligtasan ng Pangulo ay isang usaping pambansa, at anumang direkta o hindi direktang banta sa kanyang buhay ay nararapat tugunan nang may pinakamataas na antas ng agarang aksyon.”
Sinabi rin ni Lotoc na naglabas ng pahayag si AFP Chief Gen. Romeo Brawner na nagsasaad:
“Ang Armed Forces of the Philippines ay isang propesyonal na organisasyong nakatuon sa mandato nitong protektahan ang mamamayan at ang estado. Ang aming mga tauhan ay tapat sa Konstitusyon at sa umiiral na chain of command.”
