NBI

NBI hiniling sa Interpol na ilagay sa red notice Zaldy Co

Jon-jon Reyes Dec 12, 2025
208 Views

HINILING ng National Bureau of Investigation (NBI) sa International Criminal Police Organization o Interpol na ilagay sa Red Notice ang nag-resign na si Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.

Kinumpirma ito ng NBI na inihain o idinaan ang kanilang request noon pang Nobyembre 23 sa Philippine Transnational Crime.

Ipinaliwanag ni NBI spokesperson Palmer Mallari na kapag inaprubahan ng Interpol ang Red Notice ay agad na ipadadala ang kopya nito sa lahat ng mga bansang kasapi, para ipaalam na may inilabas na warrant of arrest ang hukuman sa Pilipinas para maaresto si Co.

Ang international Red Notice ng Interpol ay global alert system kung saan inaalerto ang lahat ng law enforcement groups o units para hanapin o arestuhin ang isang tao kahit nasa ibang bansa.

Matatandaang nagbitiw bilang party-list representative at nangibang-bansa at nagtago na si Co matapos itong masangkot sa bilyon-bilyong pisong kickback umano sa flood control projects.