Suspek Inihayag ni NBI Director Jaime Santiago ang ginawang pag aresto sa suspek sa human trafficking matapos maharang sa NAIA Terminal 1 sa Pasay City. JONJON C. REYES

NBI tiniklo human trafficking suspek

Jon-jon Reyes Oct 13, 2025
257 Views

INARESTO ng mga agents ng National Bureau of Investigation-International Airport Investigation Division (NBI-IAID) noong Sabado sa NAIA Terminal 1 sa Pasay City ang isang suspek sa illegal recruitment at human trafficking.

Nakilala ang suspek na si alyas Taher na naaresto kasama ang isang 20-anyos na babae.

Sila ay patungo sa Saudi Arabia ngunit naharang dahil ang kanilang mga pangalan ay kasama sa offloading record.

Hindi pinapayagang magtrabaho ang babae sa Saudi Arabia dahil sa edad.

Iminungkahi ng suspek na si Aswani na gumamit sila ng Umrah visa. Una silang ni-clear para sa pag-alis ni Immigration Officer na si John Rey Fadrogani ngunit kalaunan ay na-flag down.

Napatunayan na si Taher hindi lisensiyado o awtorisadong mag-recruit ng mga manggagawa para sa trabaho sa ibang bansa.

Dahil dito, inaresto ang suspek at Ipinaalam sa kanya ang kanyang mga karapatan sa konstitusyon at sumailalim sa standard operating procedure.

Siya ay iniharap para sa inquest proceedings para sa paglabag sa RA 9208 (Anti-Trafficking in Persons Act of 2003).

Natuwa si NBI director Jaime Santiago sa aksyon ng mga NBI agents.