Vergeiri

NCR pwedeng bumalik sa Alert Level 2 kapag nagpatuloy pagtaas ng COVID-19 cases

164 Views

POSIBLE umanong itaas muli ang Alert Level 2 sa National Capital Region (NCR) kung magpapatuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire 13 sa 17 local government unit sa NCR ang nakapagtala ng pagtaas ng COVID-19 cases sa nakalipas na dalawang linggo.

Sinabi naman ni Vergeire na hindi pa mapaparalisa ng pagtaas ang operasyon ng mga ospital.

“Kapag tinignan po natin ‘yung kanilang mga average daily attack rate saka ‘yung mga kaso na tinatala sa bawat area, nakikita naman po natin that is not still significant because it is not affecting the admissions in the hospitals,” sabi ni Vergeire.

Sinabi ni Vergeire na mahalagang maintindihan ng publiko na hindi basta aalis ang virus kaya dapat matutunan na mamuhay ng kasama ito.

“So, ito pong mga sakit na nagkakaroon ng mild at asymptomatic, it should be acceptable to the population. Ang pinaka-importante hindi pa natin nakikitang tumataas ang severe and kritikal na mga kaso at hindi pa rin po nagkakaroon ng problema sa ating mga ospital,” dagdag pa ni Vergeire.

Nasa ilalim ng Alert Level 1 ang NCR hanggang sa Hunyo 15.

Ayon sa DOH nakapagtala ng 1,682 bagong kaso ng COVID-19 mula Hunyo 6 hanggang 12 o average na 240 kaso kada araw.

Ito ay mas mataas ng 30.4 porsyento sa average na 185 kaso kada araw mula Mayo 30 hanggang Hunyo 5.