Fake

NCRPO nagbabala vs pekeng hotel accommodations, travel promos online

Edd Reyes Oct 6, 2026
10 Views

HINIMOK ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Officer-in-Charge PBGen.Christopher Abrahano ang mga residente sa Metro Manila na mag-ingat sa mga nag-aalok ng pekeng hotel accommodation at travel promotions online.

Ayon kay BGen. Abrahano, karaniwan na sa pagpasok ng “ber months” ang kaliwat kanang alok online para sa mga murang biyahe sa ibat ibang lugar sa bansa at pandaigdig, pati na sa mga pagpapa-book online ng mga hotel, resort, airline ticket, tour package, at iba pang travel-related na serbisyo.

Maaari aniyang samantalahin ng mga scammer ang pagtaas ng demand sa pamamagitan ng pag-aalok ng sobrang murang presyo, limited-time deals, o malalaking discount upang makahikayat ng mga biktima.

“Do not let attractive travel deals cloud your judgment. Before sending any payment, verify that the hotel, travel agency, or booking account is legitimate. A few minutes of verification can prevent the loss of your hard-earned money,” ayon kay PBGen. Abrahano.

Pinayuhan din niya ang publiko na maging mapagmatyag sa mga social media account at online seller na gumagamit ng kinopyang logo, ninakaw o kinopyang mga larawan, bagong likhang account, o mga website at page na ginagaya ang lehitimong hotel, resort, airline, o travel agency.

Pinapaalalahanan din ang publiko na direktang beripikahin ang booking details sa pamamagitan ng opisyal na website o verified contact channels ng establisimiento at iwasan din ang pagpapadala ng bayad sa personal na account, lalo na kung ang transaksyon ay para sa isang negosyo na dapat ay may lehitimong corporate o merchant payment channels.