NHA TULONG–Si National Housing Authority (NHA) Assistant General Manager Alvin Feliciano (gitna with blue cap) kasama ang ibang opisyal ng pamahalaan at mga nakinabang sa caravan.

NHA inilunsad 8th People’s Caravan sa Munti para sa mahigit 1,600 benepisyaryo

Jun I Legaspi Jun 29, 2024
77 Views

INILUNSAD ng National Housing Authority (NHA) sa mahigit 1,600 benepisyaryo ng Southville 3 ang ikawalong NHA People’s Caravan sa Biazon Covered Court sa Brgy. Poblacion, Muntinlupa City.

Sa inisyatibo ni NHA General Manager Joeben A. Tai, layunin ng ahensya na mailapit ang People’s Caravan sa mga resettlement site at maihatid ang iba’t- ibang serbisyo ng pamahalaan at pribadong sektor,

Bilang kinatawan ni NHA General Manager Joeben Tai, pinangunahan ni Assistant General Manager Alvin S. Feliciano, kasama sina NCR- South Sector Officer-in-Charge and Concurrent Corporate Planning Department (CPD) Manager Cromwell C. Teves, Muntinlupa/Taguig/Pateros/Makati City District Officer-in-Charge Lorelie P. Dooc, at Community Support Services Department Officer-in-Charge Donhill V. Alcain ang pagbubukas ng nasabing programa.

“Umiikot po ang National Housing Authority sa lahat ng resettlement sites sa buong Pilipinas upang ibaba at iparamdam ang serbisyo ng gobyerno sa tao… Lahat po ng ahensya ng gobyerno pinagsama-sama na po namin sa caravan na ito,” sabi ni Feliciano.

Binigyang-diin din ni NCR-South Sector OIC at CPD Manager ang mas pinatibay na pakikipagtulungan ng Muntinlupa LGU at iba pang ahensiya ng pamahalaan upang maipagkaloob ang mga serbisyo ng gobyerno sa mga benepisyaryo ng Ahensiya.

Kasama sa mga naipagkaloob na serbisyo sa caravan ang iba’t-ibang programang pangkabuhayan, pagsasanay sa iba’t-ibang larangan at pagnenegosyo, business and capital consultancy, akreditasyon ng HOA-SV3, at mga tulong-edukasyon mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Gender and Development (GAD) ng Muntinlupa, at Muntinlupa City Training Institute (MCTI).

Murang mga produktong farm-to-market naman ang ibinenta ng Department of Agriculture (DA) Kadiwa sa caravan at namahagi ng libreng 2,000 buto at punla.

Higit pa rito, tumanggap rin ng mga naghahanap ng trabaho ang job fair ng caravan na pinangunahan ng Department of Labor and Employment (DOLE), kasama ang Muntinlupa City Public Employment Service Office (PESO) at PSA.

Ang mga nasabing tanggapan nagsagawa rin Kasambahay at OFW registration para sa mga benepisyaryo.

Kaugnay nito, nagkaloob rin ng onsite business at Sikap Loan Application ang Muntinlupa City LGU sa pamamagitan ng Muntinlupa Entrepreneurship Financing Division (MEFD), fertilizer production training na itinuro ng Muntinlupa City Training Institute (MCTI) at pamamahagi ng campaign materials ukol sa gender equality at women empowerment mula sa Muntinlupa Gender and Development (GAD) Office.

Nakatakdang umikot ang NHA People’s Caravan sa susunod na buwan sa probinsya ng Cebu para mapaglingkuran ang mga NHA resettlement site.