Calendar
NHA projects sa nilindol na lugar agad sinuri
PINAG-UTOS ni National Housing Authority (NHA) General Manager Joeben A. Tai ang rapid assessment sa NHA Projects at mga lugar na apektado ng 6.9 magnitude na lindol na tumama sa lalawigan ng Cebu nitong Martes ng gabi.
Sa kanyang pahayag, agad na iniutos ni GM Tai, pagkarinig ng balita, sa mga tanggapan ng ahensya sa Region 6, 7, at 8 na magbigay ng update, lalo’t higit sa isyu ng structural safety at bilang ng mga naapektuhan.
“Kasalukuyan po ang aming [NHA] koordinasyon sa mga regional offices, homeowner associations, at sa mga local government units ng lugar upang masiguro namin na angkop at mabilis ang gagawin naming pagtulong sa aming mga housing beneficiaries na lubos na naapektuhan ng lindol,” ani GM Tai.
Batay sa paunang ulat ng ahensya, 34 na housing units na iginawad ng NHA ang nasira. Ang mga unit na ito ay bahagi ng Yolanda Permanent Housing Project (St. Vincent Ferrer Homes Phase 1) sa Brgy. Banban, habang ang iba ay mula sa Maiaville Housing Project sa Brgy. Taytayan, kapwa sa Bogo City—ang epicenter ng lindol. Wala ring naitalang nasawi ang NHA sa kanilang mga housing beneficiaries.
Ang mga nabanggit na unit ay sakop pa rin ng structural defects liability clause, na nagpapahiwatig na ang kanilang contractor ay may legal na responsibilidad para itama ang mga isyu sa istruktura ng gusali na lumabas matapos ang konstruksyon.
Bukod sa tulong batay sa contractual obligation, mahigpit na binabantayan ng NHA 7 at iba pang rehiyon ang mga proyektong pabahay at beripikasyon ng datos ng kanilang mga housing beneficiaries, para sa posibleng pagsasama ng mga ito sa Housing Assistance Program for Calamity Victims (HAPCV) at Emergency Housing Assistance Program (EHAP) ng ahensya, na magbibigay sa kanila ng tulong-pinansyal para sa muling pagtatayo ng tirahan.
“Makaaasa po ang bawat isa na handa ang NHA na maging katuwang ng mga Pilipino sa pagbuo ng mga programang tutugon sa mga apektado ng kalamidad na ito; at tiyak po ang aming ahensya na magiging handa ito upang tugunan ang iba pang sakuna na maaring mangyari sa hinaharap,” dagdag pa ni GM Tai.
Ayon sa mga ulat, naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang 6.9-magnitude na lindol kagabi, Setyembre 30, na may epicenter na matatagpuan 21 kilometro hilagang-silangan ng Bogo City, at may naitalang aftershocks na mahigit 610.

