NHCP SOURCE: Larawan mula sa NHCP, Video mula sa TikTok/Cube

NHCP, NAGBABALA SA VIRAL PARTY VIDEO NG ‘LUPANG HINIRANG’

18 Views

NAGPAALALA ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP) sa publiko na dapat laging igalang at gamitin nang tama ang mga opisyal na pambansang simbolo ng bansa.

Ito’y kasunod ng pagkalat ng isang viral short-form video kung saan makikitang umaawit ng pambansang awit ang mga partygoers sa gitna ng isang maingay at magulong outdoor rave party.

Ayon sa NHCP, posibleng naganap ang naturang party sa United States noong Disyembre 2025, kaya limitado ang kanilang kapangyarihan na magsampa ng kaso dahil hindi saklaw ng batas ng Pilipinas ang mga pangyayaring naganap sa ibang bansa.

Binigyang-diin din ng komisyon na sa ilalim ng Republic Act No. 8491 o Flag and Heraldic Code, ang pambansang awit ay dapat awitin batay sa opisyal nitong ayos at hindi dapat gamitin bilang bahagi ng aliwan o libangan.

Ipinaalala rin ng NHCP na ang “Lupang Hinirang,” na nilikha ni Julian Felipe at unang tinawag na “Himno Nacional Filipino,” ay unang tinugtog noong deklarasyon ng kalayaan ng Pilipinas noong Hunyo 12, 1898.

Ayon pa sa ahensya, mahalaga ang pagpapakita ng pagmamahal sa bayan, ngunit dapat itong gawin nang may pag-iingat at paggalang sa umiiral na batas at kultura.

“The freedom and rights which we enjoy today was paid for by the blood, sweat and tears of our heroes. Our duty, as heirs to this invaluable legacy, is to exercise this freedom responsibly,” pahayag ng NHCP.