Calendar
Nine-game sweep para sa Knights
NAKUMPLETO ng defending champion Letran ang nine-game sweep ng elimination sa pamamagitan ng 59-56 panalo kontra sa mortal na karibal na San Beda sa pagbabalik ng fans ng NCAA men’s basketball tournament kahapon sa Filoil Flying V Centre.
Inaalat sa alat, kalmadong naisalpak ni Rhenz Abando ang dalawang free throws mula sa foul ni Winston Ynot upang bigyan ang Knights ng tatlong puntos na abante, may 9.4 segundo ang nalalabi.
Tinangka ng Red Lions na maihatid ang laro sa overtime subalit naisablay ni Ynot ang kanyang corner triple sa huling sandali.
“It’s all about the breaks of the game. It’s a tight game. Ang daming inilabas ng San Beda na hindi nila inilabas sa eliminations,” sabi ni Letran coach Bonnie Tan.
Nakopo ng Knights, na nakaseguro ng twice-to-beat advantage sa Final Four, ang No. 1 ranking habang inilaglag naman ang Lions sa play-in stage bilang third-ranked team.
Ang panalo ng Letran ay siyang nagbigay sa Mapua ng outright Final Four berth na may kaakibat na twice-to-beat bonus.
Nanguna si Mark Sangalang para sa Knights na may 12 points habang nag-ambag si Abando ng 10 points, pitong boards at dalawang assists.
Samantala, nasambot ng University of Perpetual Help System Dalta ang huling last play-in spot sa pamamagitan ng 63-60 panalo laban sa Emilio Aguinaldo College.
Tinangka ng Generals, na hindi lumamang, na maihatid sa overtime ang laro ngunit sumablay ang tres ni Kriss Gurtiza sa buzzer.
Umangat sa unang taon ni coach Myk Saguiguit, tumapos ang Altas na pang-lima sa eliminations na may 4-5 marka.
Haharapin ng Perpetual ang No. 6 Arellano University sa do-or-die match sa alas-3 ng hapon bukas, kung saan ang magwawagi ay siyang makakasagupa sa matatalo ng duelo sa pagitan ng No. 3 San Beda at No. 4 College of Saint Benilde para sa huling Final Four berth.
Nahaharap sa Justin Arana-led Chiefs, determinado ang Altas na sumagad sa torneo.
“Alam ng mga bata kung anong pupuntahan nilang giyera this Sunday. With the morale boosting win, lalaban mga iyan at makikipag-compete against Arellano,” sabi Saguiguit.
Nanguna si Kim Aurin, na naging scoreless sa first half, para sa Perpetual na may 14 points habang nagbigay si rookie Mark Omega nh double-double outing ng 13 points at 15 rebounds bukod sa apat na blocks, dalawang steals at dalawang assists.
“Yung game plan namin, tanggalin yung tira sa labas,” sabi ni Saguiguit, kung saan tumirada ang EAC ng 5-of-28 sa three-point area.
Iskor:
Unang laro
Perpetual (63) — Aurin 14, Omega 13, Pagaran 10, Razon 9, Egan 6, Barcuma 5, Cuevas 4, Martel 2, Sevilla 0, Abis 0.
EAC (60) — Gurtiza 18, Liwag 12, Robin 11, Maguliano 8, Cosejo 5, Ad. Doria 3, Luciano 2, Taywan 1, Quinal 0, Cosa 0, Bunyi 0, Cadua 0.
Quarterscores: 18-10, 33-26, 48-44, 63-60
Ikalawang laro
Letran (59) — Sangalang 12, Abando 10, Fajarito 9, Yu 7, Ambohot 7, Mina 5, Javillonar 4, Reyson 2, Paraiso 2, Olivario 1, Caralipio 0.
San Beda (56) — Kwekuteye 14, Gallego 7, Cortez 6, Ynot 5, Penuela 5, Bahio 4, Amsali 4, Jopia 4, Sanchez 3, Alfaro 2, Cuntapay 2, Abuda 0, Andrada 0, Cometa 0, Fornis 0.
Quarterscores: 15-15, 26-29, 45-39, 59-56