No tree planting no permit ipinatutupad ng PPA

205 Views

MAHIGIT na ipinatutupad ng Philippine Ports Authority (PPA) ang pagtatanim ng puno ng mga kumukuha ng permit sa tanggapan nito.

Ayon sa PPA kahit na ang mga contractor ay kailangang magtanim ng hindi bababa sa 1,000 seedling ng puno o mangrove.

Ang pagtatanim ng puno ay alinsunod sa The Climate Change Act of 2009 (RA 9729). Bilang tugon sa batas ay inilabas ng PPA ang Administrative Order No. 14-2020 na nagmamandato sa mga aplikante ng permit, kontrata at lisensya mula sa ahensya gayundin sa mga kontraktor nito na magtanim ng mga puno o mangroves na malaking tulong kapag may baha.

Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago nais ng ahensya na palakasin ang implementasyon ng polisiya alinsunod sa mandato ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isama ang tree planting sa flood control project ng gobyerno.

“Bilang tugon sa panawagan ng ating Pangulong BBM na magsagawa ng tree planting activities, lalo pang paiigtingin ng PPA ang tree planting initiative nito sa ilalim ng PPA Administrative Order 14-2020,” ani Santiago.

Katuwang ang Community Environment and Natural Resources (CENRO), nakapagtanim na ang PPA ng mahigit 3,000 mangroves at seedlings sa Misamis Oriental, Misamis Occidental, Zamboanga, Agusan, Bicol, Negros Oriental at Bataan.

“Ikinatutuwa po ng buong pangasiwaan ng PPA na tayo ay kaalyado sa parehong pananaw ng ating mahal na Pangulo sa larangan ng reforestation at environmental protection,” dagdag pa ni Santiago.

Sa ilalim ng nasabing PPA memorandum, nakasaad na maaaring makansela ang Permit To Operate, Certificate of Registration, at kontrata ng mga indibidwal at mga service provider sa mga pantalan na hindi susunod sa pagtatanim ng puno.