Calendar
NU handa laban sa Adamson
TATANGKAIN ng National University na masambot ang twice-to-beat Final Four incentive kontra sa Adamson, habang mag-aagawan ang University of Santo Tomas at La Salle para sa solo second place ngayon sa UAAP women’s volleyball tournament sa Mall of Asia Arena.
Target ang ika-11 sunod na tagumpay, handa ang Lady Bulldogs sa anumang gagawin ng Lady Falcons sa alas-4 ng hapon na laro, lalo’t kumakapit ang San Marcelino-based spikers sa No. 4 spot.
Tangan ang 6-4 kartada, hawak ng Adamson ang isang larong bentahe sa titleholder Ateneo, na pinapaborang mamayani sa alas-6:30 ng gabi na laro laban sa also-ran University of the East, sa karera para sa huling Final Four berth.
“Sa team naman, kailangan lang namin gumalaw nang tama,” sabi coach Karl Dimaculangan makaraang magaan na dispatsahin ng kanyang tropa ang Lady Warriors, 25-14, 25-17, 25-15 Martes ng gabi.
“Yung execution kasi namin yun yung pina-polish namin e kasi nag pe-prepare na rin kami sa mas mabigat na game. Kailangan lang namin matuto sa mga previous games namin, tignan kung ano pa yung puwede idagdag at kulang namin,” aniya.
Nasa trangko na makuha ang outright Finals berth, kinailangab lamang ng NU na manatili sa sistema na siyang susi sa kanilang 10 sunod na panalo.
Kung pagbabatayan ang kanilang dikit na first round, asahan pa rin ang matinding bakbakan sa pagitan ng Tigresses at Lady Spikers, na parehong may 7-3 records.
Sa klasikong tatlong oras at dalawang minutong laro, nagpamalas ang UST ng katatagan upang payukuin ang La Salle, 26-24, 22-25, 25-27, 25-23, 15-12, noong May 12.
Sariwa mula sa pinakamasamang ipinakita sa season, ang 20-25, 20-25, 20-25 pagkatalo sa Blue Eagles, kinailangan ng Tigresses na huwag umasa masyado kay league-leading scorer Eya Laure, lalo na kung magagawan na ng paraan ng Lady Spikers na masawata ang mahusay na 23-year old open spiker.
Pipilitin ng La Salle na maituwid ang kanilang pagkakamali mula sa 25-21, 25-23, 25-21 panalo laban sa University of the Philippines noong Martes, kung saan nahirapan sila na tapusin ang bawat set na malakas.
“I think follow up siguro sa game last time against FEU yung adjustments, hanggang ngayon lumalabas pa rin. Medyo maganda naman yung effect, nakikita naman natin yung resulta but hopefully next time hindi ganon,” sabi ni Lady Spikers assistant coach Benson Bocboc.
Haharapin Fighting Maroons, na 4-6 ay may dalawang laro ang layo sa fourth-running Lady Falcons by two games, ang Lady Tamaraws sa kanilang hangarin na manatili sa karera sa Final Four sa alas-10 ng umaga na matinee.