NU Mabunyi ulit ang UST matapos gapiin ang Ateneo. UAAP photo

NU hindi mapigil sa UAAP volleyball

Theodore Jurado May 21, 2022
284 Views

MAGAAN na dinispatsa ng National University ang University of the Philippines, 25-10, 25-20, 25-15, upang makumpleto ang first round sweep kahapon sa UAAP women’s volleyball tournament sa Mall of Asia Arena.

Sa pagposte ng ikapitong sunod na panalo, ang streak ay siyang pinamakahaba ng Lady Bulldogs magmula nang gumawa ng 10-game winning run sa kanilang nabigong championship run sa 2013-14 season.

Sa duelo ng 2019 Finals protagonists, naungusan ng University of Santo Tomas ang titleholder Ateneo, 25-19, 25-21, 29-31, 33-31, para sa ikalimang panalo sa pitong laro.

Samantala, naitala ng Adamson ang kanilang pinakamagandang first round performance sa loob ng siyam na taon sa pamamagitan ng 25-23, 25-20, 25-18 pagwalis sa University of the East.

Ang weekend break sa pagitan ng first at second rounds ay makakatulong para kay NU coach Karl Dimaculangan kung paano mapaangat ang kanyang koponan patungo sa krusyal na bahagi ng season.

“Yung team namin is bata pero (itong first round sweep) yung kailangan namin para mamotivate kami lalo sa preparation namin for next round. Yung ibang team marami nang adjustment and familiarity kaya kailangan namin mas mag prepare,” sabi ni Dimaculangan.

“Kailangan din namin itong panalo na to going to second round kasi momentum namin ito para makapag prepare pa kami sa mas mahirap na darating na second round,” aniya.

Nanguna si Mhicaela Belen para sa Lady Bulldogs na mau 13 kills, nagdagdag si Cess Robles ng 12 points at 12 digs habang tumira si Ivy Lacsina ng dalawang service aces para sa 11-point effort.

Bukod sa umentra siya sa scoring column sa ikalawang sunod na laro sa pamamagitan ng isang smart play sa kalagitnaan ng third set, kumulekta si NU libero Jen Nierva ng 17 digs at pitong receptions.

Umiskor si Eya Laure ng career-high 31 points at 14 receptions para sa Tigresses, na sinugurado na walang pagkulapso sa fourth set matapos magtapon ng tatlong match points sa third.

Inilabas ni Imee Hernandez ang kanyang pinakamagandang laro na maye 14 points, si KC Galdones ay may tatlong blocks para sa 12-point outing, habang nagdagdag si rookie Ypril Tapia ng 11 points at 11 digs para sa UST.

Kumabig si Faith Nisperos ng 22 points, 12 receptions at siyam na digs habang nagbuhos si Vanie Gandler ng 18 kills para sa Blue Eagles, na naputol ang kanilang three-match winning streak snapped.

Tumipa si May Ann Nuique ng 15 points, kabilang ang apat na blocks, habang nagtala rin si Lorene Toring ng apat na blocks para sa 14-point effort para sa Lady Falcons na papasok sa second round na nasa ibabaw ng .500 mark.

Ang 4-3 record ng Adamson ay siyang pinakamagandang marka ng koponan sa first round magmula pa noong 2012-13 season.

Nasiyahan si coach Lerma Giron sa ipinamalas ng Lady Falcons na makabangon mula sa nakalipas na pagkatalo na siyang pumutol sa kanilang three-match winning streak.

“Sabi ko lang sa kanila tanggapin yung pagkatalo namin sa UST, maraming lessons na itinuro sa bawat isa sa amin. Lahat ng pagkakamali natin doon, itry natin i-correct this game,” sabi ni Giron.

Si Rizza Cruz ang isa pang Adamson player na nasa double digits na may 10 points habang nagbigay si setter Louie Romero ng 19 excellent sets.

Nagpatuloy ang pagsadsad ng Fighting Maroons, na kumuha ng tig-pitong puntos mula kina Niña Ytang at Jewel Encarnacion, sa paglasap ng ikaapat na sunod na pagkatalo matapos promising 0-3 start. Tabla pa rin ang UP at Ateneo sa 3-4.

Nanguna si Ja Lana na may 16 points at 12 receptions habang nag-ambag si Dara Nieva ng 14 points at pitong digs para sa Lady Warriors, na nahulog sa 0-7.