UST Mabunyi ang UST matapos talunin ang FEU sa V-League Collegiate Challenge quarterfinals. PVL photo

NU, Perpetual Help magtutuos sa semis

Theodore Jurado Nov 17, 2022
297 Views

NAISAYOS ng National University at University of Perpetual Help System Dalta ang kapana-panabik na semifinals showdown matapos igupo ang kanilang mga katunggali sa quarterfinals ng V-League Collegiate Challenge kahapon sa Paco Arena.

Nakamit ng Bulldogs ang 25-15, 25-21, 25-23 panalo kontra sa San Beda upang manatiling walang talo sa torneo, habang humabol ang Altas mula sa kanilang pagkatalo sa opening set down upang igupo ang Arellano University, 26-28, 25-20, 25-21, 25-16.

Ang duelo sa pagitan ng UAAP at NCAA champions, magtatagpo ang NU at Perpetual para sa isang puwesto sa best-of-three Finals sa November 23.

Nakamit rin ng Ateneo ang puwesto sa semifinals sa pamamagitan ng 25-23, 25-17, 27-25 tagumpay kontra sa La Salle.

Umabot rin ang UST sa semis matapos ang 19-25, 24-26, 25-21, 27-25, 15-13 paggapi sa FEU.

Magtutuos ang Blue Eagles at Growling Tigers para sa isang silya sa championship sa Nobyembre 23.

Kumabig ng pinagsamang 34 points sina Nico Almendras, Obed Mukaba at Mike Buddin para sa Bulldogs.

Tumipa naman si Louie Ramirez ng 25-of-48 spikes upang tumapos na may 28 points habang nag-ambag si Hero Austria ng 17 points at 11 receptions para sa Altas.

Kumabig si Abai Llenos ng 21 points, kabilang ang tatlong blocks, at may magandang 17-of-30 attacks upang pamunuan ang Ateneo laban sa matagal na nilang katunggali.

Umiskor si GBoy de Vega ng 23 points at 18 receptions habang nagdagdag si Josh Ybañez ng 17 points, kabilang ang tatlong blocks, para sa UST.