Obrero File photo ni JONJON C. REYES

Obrero hinataw ng golf club sa ulo, tigok

46 Views

DEAD-on-arrival ang 39-anyos na obrero matapos pagpapaluin sa ulo ng golf club ng nakaalitang kapitbahay sa Quezon City noong Sabado.

Nakilala ang biktima na si Ronaldo Pepito Villegas, ayon sa report.

Tumakas ang suspek sa krimen na si Zaldy Potugal Timado, 47.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU- QCPD), bandang ala-1:30 ng hapon nang maganap ang insidente sa Bistek Ville 4, Metro Heights compound, Brgy. Culiat, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ni P/Cpl Errika Casupanan, sinugod ng biktima ang suspek sa bahay nito at nagtalo tungkol sa pintura ng aerosol.

Nagalit ang suspek at itinulak ang biktima na agad namang umuwi ng kanilang bahay pero makalipas ang ilang minuto bumalik ito na may dalang kutsilyo at kadena.

Pero nang makita ng suspek ang biktima kinuha nito ang golf club sa kaniyang bahay at hinabol ang una saka pinaghahampas ng ilang beses sa ulo.

Isinugod ang biktima sa Quezon City General Hospital at inilipat sa East Avenue Medical Center kung saan ito idineklarang dead-on- arrival dakong alas-5:52 ng hapon ni Dr. Tulip John Micarandayo.

Narekober ng mga awtoridad ang golf club sa bahay ng suspek na ginamit sa krimen.