Rep. Oducado

Oducado ikinababahala ang pagkalulong ng ilang Pinoy sa online gambling

Mar Rodriguez Jun 25, 2025
34 Views

IKINABAHALA ni incoming 1-TAHANAN Party List Representative Nathaniel “Atty. Nat” Oducado ang pagkalulong ng ilang Pilipino sa online gaming kung saan ang mga mahihirap na mamamayan ang karaniwang nalululong sa naturang talamak na gambling apps.

Bunsod nito, sinusuportahan ni Oducado ang panawagan ng kapwa nito mambabatas sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na kailangang ipawalang bisa o i-revoke nito ang lahat ng inisyu nilang lisensiya para sa operasyon ng online gambling.

Binigyang diin ng baguhang kongresista na hindi na dapat hintayin ng PAGCOR na lumala pa ang problema patungkol sa palasak na online gambling sapagkat napakarami ng mamamayan ang nalululong dito partikular na ang mga mahihirap.

Ipinaliwanag ni Oducado na bilang Kinatawan ng 1-TAHANAN Party List, obligasyon nito ang pangalagaan ang interes at kapakanan ng mga naninirahan sa loob ng tahanan lalo na ang mga mahihirap na salat na ang pamumuhay subalit nauubos ang kanilang kinikita sa pagsusugal.

Hinihiling din nito kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ R. Marcos, Jr. na isaalang-alang at pakinggan nito ang panawagan ni Manila 2nd District Representative Rolando “CRV” M. Valeriano na dapat itong magpalabas ng direktiba para sa revocation ng lisensiya ng online gambling.

Ayon pa kay Oducado, kaya karamihan sa mga nalululong sa nasabing online gambling apps ay puro mahihirap ay dahil naging madali at accessible ang online gambling sa lahat ng mamamayan kung saan pati ang mga kabataang “techie” ay kayang-kaya ma-access ito.