Atty. Oducado

Oducado nakikisimpatya sa total ban ng online gambling

Mar Rodriguez Jul 8, 2025
312 Views

NAKIKISIMPATYA si 1-TAHANAN Party List Representative Nathaniel “Atty. Nat” M. Oducado sa panawagan ng mga kapwa nito kongresista kaugnay sa “imposition” ng total ban laban sa online gambling sa harap ng teribleng perwisyong idinudulot nito.

Ang pahayag ni Oducado ay bilang reaksiyon nito matapos maantig ang kaniyang damdamin sa kuwento ng ilang indibiduwal na nalulong, nabangkarote at naghikahos makaraang maubos ang kanilang natitirang pera nang dahil sa online gambling.

Pagbibigay diin ng baguhang kongresista na ang pagiging addict ng isang tao sa online gambling ay kahalintulad narin ng pagkalulong sa ipinagbabawal na gamot sapagkat ang lahat ng pumapasok dito ay nasisira ang kanilang buhay at kinabukasan.

Dahil dito, ipinahayag pa ni Oducado na sinasang-ayunan nito ang aksiyon na ginagawa sa Kamara de Representantes para tuluyan ng mapuksa ang salot na online gambling dahil hindi na dapat nilang hintayin na marami pang buhay ng mga kabataan ang masira dahil sa pagkalulong sa nasabing sugal.

Ipinaliwanag din ni Oducado na dapat magsilbing “eye opener” ang kuwneto ng isang nagngangalang “M” na miyembro ng Online Support group for recovering gambling addicts na kinitil ang sariling buhay dahil sa hirap na pinagdadaanan nito.

Ayon sa mambabatas, ang talamak na online gambling ay maituturing na mas malala kumpara sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) kung kaya’t hindi dapat magpatumpik-tumpik ang pamahalaan tungkol sa problemang ito.

“Hindi maaaring magsawalang kibo na lamang tayo tungkol sa isyung ito. Marami ng mga mambabatas ang nananawagan para sa total ban ng online gambling, ganoon din ang aking stand sa isyung ito dahil napakarami ng tao ang nasisira ang buhay dahil dito. Hahayaan na lamang ba natin na masira ang kanilang buhay?” wika ni Oducado.