Magsino

OFW Love Day para sa OFWs pinanhunahan ni Magsino

Mar Rodriguez Feb 11, 2025
13 Views

Magsino1PINANGUNAHAN ni OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino ang selebrasyon ng “OFW Love Day” bilang pagbibigay parangal, pagkilala at pagpupugay para sa napakalaking kontribusyong naiaambag ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) para sa ating bansa sa gitna ng napakalaking peligrong kinakaharap nila sa ibayong dagat.

Ayon kay Magsino, isinagawa ang naturang selebrasyon sa OFW Tulong at Serbisyo Center sa Ayala Malls Manila Bay. Kung saan, ang mga dumalong OFWs ay kinabibilangan ng mga na-repatriate o naibalik ng Pilipinas mula sa bansang dati nilang pinagta-trabahuhan sa tulong na ibinigay ng OFW Party List habang ang iba naman ay mga benepisyaryo ng medical at welfare assistance.

Sinabi ng kongresista na ilan sa mga OFWs na naibalik o na-repatriate pabalik ng Pilipinas ay dumanas ng kalunos-lunos na sitwasyon sa bansang pinanggalingan nila. Kabilang na aniya dito ang pagmamaltrato, naging biktima ng scam at human trafficking.

Binigyang diin ni Magsino na ang OFW Love Day ay hindi lamang selebrasyon ng pagbibigay pugay o tribute para sa mga OFWs. Bagkos, ito ay okasyon din upang lalo pang pagtibayin ng OFW Party List ang commitment nito para sa mga Pilipinong manggagawa sa abroad na itinataya ang kanilang buhay para sa kanilang pamilya at bansa.

“This day is dedicated to our modern-day heroes who have endured immense challenges abroad but continue to inspire us with their resilience. OFW Love Day is bot just a celebration but a reaffirmation of our commitment to their welfare, rights and reintegration,” wika ni Magsino.

Kasabay nito, inihayag din ni Magsino na nakatakda nitong puntahan ang lalawigan ng Batangas ngayong araw (Pebrero 11) para bisitahin ang kaniyang mga constituents bilang bahagi ng kaniyang “kick-off campaign” sa pamamagitan ng pakikinig nito sa saloobin at karaingan ng mga OFWs na naninirahan dito.