Calendar

OFW Party List dinayo SJDM para ilatag programa para sa OFWs
San Jose Del Monte, Bulacan – NILUSOB ng OFW Party List Group ang lalawigang ito upang isagawa ang isang pagpupulong para ilatag ang mga programa at adbokasiya ni Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Pinangunahan ni Magsino ang pagsasagawa ng “Helped to Helped OFW Leaders Meeting” na ginanap sa Barangay Buhay San Jose Del Monte Bulacan upang mai-prisinta nito ang mga adhikain at adbokasiyang ipagpapatuloy nito sakaling muli siyang mabibigyan ng pagkakataon na manunkulan sa Kamara de Representantes.
Sinabi ni Magsino na matagumpay na naisakatuparan ang pagpupulong matapos ang pakikipag-ugnayan ng OFW Party List kina Bishop Jerry Jabon at Barangay Chairman Emma De Leon kung saan binalangkas sa meeting ang mga programa ng OFW Party List.
Ipinahayag ng kongresista na malaki ang naitutulong ng mga ganitong pagpupulong upang mas lalo pang mapalawak ang mga impormasyon partungkol sa mga programa, adbokasiya at proyektong isinusulong ng OFW Party List para tulungan ang mgqa OFWs.
“Ang pagpapalawak ng ganitong impormasyon ay makakatulong sa ating mga kababayan pagdating ng kagipitan dahil alam nilang mayroong sandigan at kakampi silang matatakbuhan,” sabi ni Magsino.
Kasabay nito, naging matagumpay naman ang pakikipagpulong ni Magsino sa mga lokal na opisyal ng San Juan, Batangas sa pangunguna ni Mayor Ildebrando Salud at Congresswoman Lianda Bolila kasama na ang iba’t-ibang Barangay sa nasabing lalawigan.
Sa ginanap na talakayan, sabi pa ni Magsino na pinagtibay nito ang mga hakbangin na magpapalakas ng suporta at serbisyo para sa mga kapwa nito Batanggenyo upang maisakatuparan ang mga programang kinakailangan ng Batangas.