Magsino

OFW Party List Group maglulunsad ng TV program para sa kapakanan ng OFWs

Mar Rodriguez May 29, 2023
202 Views

NAKATAKDANG ilunsad ng One Filipinos Worldwide (OFW) Party List Group sa Kamara de Representantes ang sarili nitong TV program para mas epektibo nitong mapagsilbihan ang interes at kagalingan o welfare ng libo-libong Overseas Filipinos Workers (OFWs) na ang ilan ay biktima ng mga pang-aabuso.

Ito ang nabatid kay OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino na nakatakda nilang ilunsad ang programang “OFW Congresswoman Marissa Del Mar” na mapapanood sa SMNI News Channel ni Pastor Apollo C. Quiboloy. Isang programang tutuon o tututok sa samu’t-saring problema ng mga OFWs.

Sinabi ni Magsino na ang nasabing programa ay binalangkas para mas epektibo nilang mapagtuunan ng pansin ang mga problemang kinakaharap ng mga Pilipinong manggagawa sa abroad.

Kabilang na dito ang usapin ng kanilang employment, kalagayan sa trabaho at iba pang problema.

Ipinaliwanag ni Magsino na napakaraming problema ang kinakaharap ng mga OFWs kung kaya’t kailangan umano na mas madagdagan pa ang mga pamamaraan kung papaano sila matutulungan. Kung saan, isa na aniya dito ang pagbubukas ng isang palatuntunang tutugon sa kanilang mga suliranin.

Kasabay nito, nanumpa din kay Magsino ang nasa tinatayang isang daang (100) OFWs mula sa lalawigan ng Pampanga na dinala ng Overseas Filipino Workers Welfare Administration (OWWA) Region 3, sa pangunguna ni Director General Atty. Falconi “Ace” V. Millar, sa tanggapan ng OFW Party List.

Ang mga nasabing OFWs ay nanumpa bilang mga bagong miyembro ng OFW Party List Group na maaari silang matulungan mula sa iba’t-ibang problemang kinakaharap nila. Kabilang na dito ang usapin tungkol sa kanilang pinapasukang trabaho at mga naiipit na benepisyo mula sa kanilang employer.